SYMBOLIC justice para sa mga sibilyang biktima sa Israel at Gaza armed conflict ang pumasang resolution ng United Nations General Assembly para sa agarang humanitarian truce ng magkabilang partido nung Biyernes, October 27.
May 120 bansa ang nanawagan ng “immediate, durable and sustained humanitarian truce leading to cessation of hostilities,” pagpapalaya sa lahat ng civilians, proteksyon ng mga sibilyan at international institutions, at ligtas na pagpasok ng humanitarian aid sa Strip.
Labing-apat naman ang tumutol sa Jordan-sponsored resolution na pinangunahan ng Israel at US habang 45 ang nag-abstain kasama ang Pilipinas, Canada, Australia, UK at iba pa.
Sa ulat ng The Times of Israel, nanindigan si Israel Foreign Minister Eli Cohen “Israel intends to eliminate Hamas just as the world dealt with Nazis and ISIS.”
Para sa US ang pagboto pabor sa truce ay tagumpay ng Hamas pero, humirit ito na payagan papasukin ang humanitarian aid sa Strip.
Nalito isip ko dun: Paano mo papasukin at poproteksyunan ang aid missions kung binabayo ng aerial strikes ang Gaza Strip?
Nagpapabebe kyut sa buong mundo ang US na sila ay makatao, pero sulsol-gatong at inaarmasan naman nila ang panggi-gyera ng Israel sa Hamas.
Sa report ng Israel Defence Forces (IDF), October 7 nang atakihin ng libo-libong Rebeldang Hamas ang Israel, winasak at sinagasaan ang Gaza Security fence gamit ang mga traktora, RPGs at iba pang pampasabog, saka pinasok ang Israel.
Sinabayan ito ng libo-libong rocket fire at paragliders na nagtawid-bakod sa Israel, pinaslang at dinukot ang mga nadaanang residente at sinakop ang Southern Israel.
Ang HAMAS o Harakat al-Muqawama al-Islamiya (Islamic Resistance Movement) ay sinasabing pinakamalakas at pinakamalaking pwersa sa Palestinian territories at isa sa dalawang major political parties.
Sumulpot ito nung 1987 sa unang Palestinian uprising intifada na inianak ng Palestinian branch ng Muslim Brotherhood at governing body sa Gaza Strip mula nung 2007 nang patalsikin nito sa kapangyarihan ang Palestinian Authority.
Paliwanag pa ng IDF, sa surprise massive raids ng HAMAS, tinatayang higit 1,400 civlians ang kanilang pinagpapatay at dinukot ang 230 iba pa na para sa akin ay talaga namang major major violation ng international laws.
Pero ayon naman sa Health Ministry ng Gaza, mahigit 7,000 Palestinians ang namatay sa ganting pambobomba ng Israel. Walang pinag-iba.
Sa kanilang pag-abstain, ipinush ng Canada ang panukala nilang amyenda na isama sa resolution ang pag-condemn sa Hamas, ang kaso, kulang ang bumoto rito para makakuha ng 1/3 ng UN members kaya hindi ito naisingit sa final, approved reso.
Pero binara ng Pakistan ang Canada at sinabing sadyang hindi kinondena sa resolution ang Israel o anumang partido. Sinalubong ito ng masigabong palakpakan sa plenaryo.
Panonopla kasi ng Pakistan, kung sadyang patas ang Canada, dapat sinabi sa kanilang panukalang amyenda na parehong guilty ang Hamas at Israel sa mga krimen o kaya ay hindi na lang banggitin tulad ng resolution na kanilang pinaboran.
Sobrang nakakalungkot at nakakagalit na ang Pilipinas ay bumuntot lang sa baluktot na pro-Israel at pro-US position na ipinush ng Canada imbes na maging patas na treatment sa dalawang partido ng Israel at Hamas.
Pero higit sa lahat, sa pag-abstain ng Pilipinas at iba pang bansa sa UN resolution, makitid nitong pinanigan ang hindi makatao at hindi makatarungang proposed amendment ng Canada na isinalang sa mas lalo pang kapahamakan ang Palestine people.
Minantsahan nito ang makasaysayan at consistent na pagiging humanitarian mula nang tumanggap ang Pilipinas ng mga lumikas na Jews sa kademonyohan noon ng pasista at mamamatay-taong si Adolf Hitler.
Hindi man binding ang UN resolution, ang desisyon ay symbolic ding tagumpay para sa mga Palestino na patuloy na itinataboy sa sariling lupain.
Higit sa lahat, nangangahulugan ito ng nag-uumapaw na international support para sa Palestine na pinupulbos ng pambobomba ng Israel.
Maraming tao ang hindi pa masyadong alam ang importanteng impormasyon sa Hamas assault sa Israel nung October 7.
Ibinulgar sa report na pinalakas ni Netanyahu ang HAMAS nang pinayagan ang Qatar na magbuhos ng pondong $30 million kada buwan para patibayin pa ang pamumuno ng HAMAS sa Gaza habang pinapahina ang pamumuno ng Palestinian Authority sa West Bank.
Sa report at pagsusuri ni Hillel Schenker na lumabas sa The Nation five days mula nang umatake ang HAMAS, tinukoy niya ang salarin na si Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu sa kanyang divide-and-rule policy.
Umasa sila na lalaro sa usapan ang HAMAS gaya nang pagpapakawala ng rockets sa Israel na mai-intercept kunwari ng Iron Dome atbp.
Hanggang bumitaw na sa kasunduan at ayaw nang makipaglaro ang HAMAS at nangyari na nga ang October 7 attacks.
Ang mas malalim na hugot dito ay ibinisto nina Mehdi Hasan (Brit-American broadcaster) at Dina Sayedahmed, New York-based multimedia journalist, sa kanilang pananaliksik na lumabas sa The intercept. 2018.
Inamin ni former Israel military governor sa Gaza na si Brig. Gen. Yitzhak Segev, ang pagbuo at paglakas ng HAMAS ay bunga na rin ng pagpopondo ng Israel.
Pangungumpisal ni Seyev sa isang New York Times reporter, “The Israeli government gave me a budget and the military government gives to the mosques.”
Sa isa pang expose na lumabas sa The Wall Street Journal, nagsisisi si Avner Cohen, dating Israeli official na nagtrabaho sa religious affairs sa Gaza sa loob ng 20 years, na ang HAMAS ay creation ng Israel.
Ayon pa sa The Intercept, bandang mid-1980s, sumulat si Cohen ng official report sa kanyang superiors at nagbabala na wag mag-divide-and-rule sa Occupied Territories.”
Sa article ng The Intercept, inamin naman ni David Hacham, dating Arab affairs expert sa Israeli military na nakabase sa Gaza, na kung babalikan niya ang mga pangyayari, “I think, we made a mistake.”
Nakapangingilabot na nagawa ito ng Israel na may back up ng Amerika – ang lumikha ng halimaw sa katauhan ng HAMAS – para pabagsakin ang Palestine.
Napakalaki ang pananagutan ng Israel at ng US sa kanilang panggigyera sa Gaza hanggang maitaboy at mabura sa mapa ang mga Palestino.
Bigla tuloy bumalik sa alaala ko ang karumal-dumal na hostage-taking / kidnapping, rape, illegal logging, looting, panununog, pamumugot ng ulo ng Abu Sayyaf, isa pang teroristang grupo – na binuo, pinondohan at sinanay ng Amerika para sa proxy war nila ng Russia sa Afghanistan noon.
Iniisip ko tuloy, ano naman kayang nakakatakot at karumal-dunal na sekreto at mapamuksang plano ang niluto o niluluto ngayon ng US sa proxy war niya sa China sa laban natin sa West Philippines Sea?
Mapapa-p.i. ka na lang talaga.