Site icon Pinoy Publiko

Hindi sa Covid ginamit ang P17.8B inutang ni Isko

KAMAKAILAN lang, sinabi ni Isko Moreno na sa pandemya ginamit ang  P17.8 billion na inutang niya sa dalawang bangko noong siya ang mayor sa Maynila. 

Mariin itong pinabubulaanan ni Mayor Honey Lacuna.

Mag-real talk tayo, ha?

Batay kasi sa records ng Maynila, sa P17.8 bilyon ang inutang ni Isko, P15 billion ay galing sa Development Bank of the Philippines at P2.8 billion naman ang galing sa Land Bank at ani Lacuna, walang ginamit diyan for Covid purposes.

Hindi bale pa daw sana kung ang utang ay ginamit sa mga proyektong lilikha ng kita para sa pamahalaang lungsod o di kaya ay makakalikha ng mga asset na kayang gastusan ang sarili.  Eh kaso, hindi.

Ibinunyag din ni Honey na P25 bilyon pala ang halaga na pupuwedeng utangin ng lungsod pero dapat ay sa loob ng 10 taon ito uubusin.  Sa kaso ni Isko, tatlong taon lang, naka-halos P18 bilyon agad. Bilis-kilos nga talaga. Hahahaha.

Tila walang ideya si Isko o nagmamaang-maangan sa klase ng paghihirap na ipinasa niya sa lahat ng nakatira sa Maynila, na kada isa ay lumalabas na may utang na halos P10,000 dahil nga sa bilyong utang na ‘yan.

Sa galing ni Lacuna magsinop ng pondo, nakapagbayad na ang Maynila ng mahigit P3 bilyon o may P100 million kada buwan.  Sa kwenta, lumalabas na sa 2040 pa tuluyang mababayaran ang utang na ito. Pinakamaaga na ‘yan.

Bawat alkalde ay may tatlong termino lamang.  Ito ay katumbas ng siyam na taon, dahil tatlong taon ang bawat termino. Ibig sabihin, bukod kay Mayora Honey ay dalawang mayor pa ang bubuno sa bilyong utang na iniwan ni Isko. Gaya ni Mayora Honey, magiging limitado lang din ang mga proyekto na pupuwede nilang ibigay sa mga Manilenyo dahil nga sa utang na ‘yan. Hebigat, di ba?

Walang magagawa si Mayor Honey kundi bayaran ang nasabing utang dahil ito ay isang ‘contractual obligation.’ Sa kabuuan, kasama ang interes na P1 bilyon mahigit, ang dapat na ilaan ng lungsod para sa pagbabayad ng utang ay nasa P2.3 bilyon.

Ang halagang ito ay higit na malaki pa kesa sa budget ng siyudad para sa edukasyon na nasa P1.6 bilyon o di kaya ay sa budget para sa anim na ospital ng lungsod na nasa P1.4 bilyon.  Halos doble din ito ng pondo para sa kalamidad na nasa P1.2 bilyon at sa pondo para sa mga gamot, dental at laboratory na nasa P1 bilyon naman.

Dahil sa utang na ‘yan, ang mga taga-Maynila ang nagdurusa.  Imbes na makakuha sila ng mas maraming benepisyo pagdating sa libreng gamutan, medisina, edukasyon at maging allowance para sa senior citizens, solo parents, PWDs at mga mag-aaral sa PLM at UDM, napipilitan si Mayor Honey na mangarap na lang para sa kanila.

Saan ba napunta ang inutang? Pito ang housing projects na pawang pinasimulan lang ni Isko nang mga panahong iyon. Ang sabi ni Mayora, minadali ang mga ito para may mailagay sa flyers dahil balak pala ni Isko tumakbong Presidente noong mga panahong iyon.

Lahat ng housing projects na ‘yan, mga 30 percent lang umano ang nasimulan. Si Mayor Honey ang nagpuno ng 70 percent para matapos at siya na din ang bumalikat sa utang na ginamit para sa pitong proyektong ‘yan, na ang nakikinabang ay ilang daan lang na karamihan pa ay mga ‘bata’ ni Isko.

Habang isinusulat ito, apat pa lang daw ang natapos sa mga nasabing housing projects na ‘ yun at  may tatlo pa na si Mayora Honey  din ang inaasahang magtatapos sa ikalawang termino niya.

May mga depekto din umano ang mga housing projects na si Lacuna pa rin ang nagsasa-ayos sa ngayon. 

Bukod sa Manila Zoo, may tatlong eskwelahan din ang sinimulan ni Isko at natapos  sa 30% lang din na muli, si Mayor Honey ang kumkumpleto at nagbabayad.

Sa gitna ng mga ito ay ibinulgar naman ni Snm Versoza ang mga binentang ari-arian sa ilalim ng pamunuan ni Isko, na umaabot sa may P65 bilyon.

Pinakatampok diyan ang Divisoria Public Market na ibinenta sa Festina Holdings Inc. noong Agosto 2020 sa halagang di bababa sa P1.3 bilyon upang makalikom umano ng pondo para sa mga proyekto laban sa COVID-19 pandemic. 

Kaya  naman talagang nakapagtataka kung bakit kinailangan pang umutang ng P17 bilyon gayung nagbenta na ng mga ari-arian ng lungsod?

Isa sa mga pangunahing kalidad ng isang mabuting alkalde ay tiyakin na ang pinansiyal na katayuan ng kanyang nasasakupan ay matatag.  Responsibilidad din niya na pangalagaan ang mga ari-arian ng lungsod at magkaroon ng malasakit sa mga nasasakupan at kinabukasan ng mga ito.

Kung ang mga simpleng bagay na gaya nito ay wala ang isang kandidato, hindi siya dapat na maluklok sa puwesto. Lalo na bilang mayor. 

Hindi malayo ang iniisip ng marami na gagamitin lang ulit ni Isko ang Maynila at pagka-mayor para tumakbo na naman sa mataas na posisyon sa 2028, gaya ng binanggit ni Inday Sara sa isang caucus na pupuwede naman daw mamili ang tao sa kanilang dalawa ni Isko para sa 2028 at wala daw problema sa kanila.  

Ngayon, kung sasabihin ni Isko na wala siyang ganung plano, tandaan na ‘yan din ang paulit-ulit niyang sinabi noon pero binali niya. Sabi din niya, pag natalo siya sa pagka-Presidente ay magre-retire na siya pero binali din niya.

Ang pinakamatindi, sinabi din niya na hinding-hindi sila maglalaban ng ‘Ate Honey’ niya pero hindi rin niya tinupad. Pansinin ninyo. Dati, parang sirang plaka na sinasabi niyang nasasanla laway niya at siya ay taong may isang salita.

Naririnig nyo pa yan sa kanya? Di ba hindi na? ‘Yung laway na sinasabi niyang naisasanla, napanis lang pala!

Sabi nga ng bayaning si Emilio Jacinto, ‘sa taong may hiya, salita’y panunumpa.’ Ibig sabihin, ang bawat salita ay sagrado at sukatan ng iyong pagkatao. Nasa Kartilya ng Katipunan ‘yan na nasa likuran mismo ni Isko tuwing may flag-raising siya noon bilang mayor. Sana man lang binasa niya ito kahit minsan at isinapuso. Hayzzz…

                                                                                                      ***

DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to itchiecabayan@yahoo.com or text 0917-3132168.

Exit mobile version