Hindi option ang plantang nukleyar

MAY panukalang bagong dagdag sa kasalukuyang energy mix ng bansa bukod sa liquefied natural gas, coal, at renewables (hydro, wind, solar). Ito ang geothermal o nuclear.

Sa bisa ng Executive Order 164 na pinirmahan at inilabas nitong nakaraang Marso 3, isinabatas ang pambansang posisyon na may titulong, “Adopting A National Position For A Nuclear Energy Program, and For Other Purposes.” Kaugnay nito, pitong bansa ang nag-alok na ng tulong upang pag-aralan ang posibilidad ng plantang nukleyar o paganahin ang nabimbin na Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).

Ang ultimong layunin: mapababa ang singil sa kuryente.

Hindi ba ito ang hiling ng mga konsyumers noon pa man? Sa naturang kautusan, hindi na pala imposibleng pangarap o suntok sa buwan ang matagal nang hilahil ng sambayanan na dapat wakasan. Nakakapanabik! Matatapos din ang nakakapagod na adbokasiya ko kontra sa mataas na singil ng Meralco.

Pero bago ka mahulog sa iyong kinauupuan, balik tanaw tayo.

Ang BNPP

Ang BNPP, na nakumpleto noong 1984 subalit hindi nagtuloy ng operasyon dahil sa mga pangambang matulad ang Pinas sa Chernobyl nuclear incident ay tadtad ng alegasyon ng korupsyon.

Bukod sa foreign debt na umabot sa $2.1 bilyon, mismong ang Kongreso sa panahon ng yumaong mambabatas na si Ernesto Maceda ang tumutol upang buksan ito. Nais noon ng kasalukuyang lehislatura na i-repudiate ang kontrata ng BNPP sa kontraktor na White Westinghouse dahil sa alegasyong napunta sa bulsa ng mga Marcos ang mga komisyon na binayaran ng naturang kontratista sa 620 megawatt na planta.

Fraudulent ayon sa mga mambabatas ang kontrata, bukod pa sa hindi sakto sa mga specifications ang halagang ginamit upang tustusan ang pagpapatayo nito.

“We got damaged goods,” ang pangamba naman noon ni Budget Minister Alberto Romulo. Dahil dito, ninais nilang i-cite ang Lemon Law upang mabawi sana ang napakalaking halaga na ginamit sa BNPP na nagdagdag sa noon pa man ay mabigat na pasanin ng sambayanan sa debt servicing dahil sa utang panlabas. (Sa Estados Unidos, Lemon laws permit aggrieved new car buyers to get their money back or a replacement vehicle when attempts to repair major defects fail or are prolonged).

Korupsyon, kaligtasan ng taumbayan (sa radiation leaks, at hindi malayong pagsabog ng mga bulkan malapit sa planta) ang mga naging issues ng BNPP.

Fast forward 2022.

Makalipas ang halos 46 years (1976 nang simulang itayo ang BNPP at nakumpleto noong 1984, dalawang taon bago maitaboy sa Malacanang si Pangulong Marcos), nais ng Duterte administration na i-rehabilitate ang BNPP. Maganda ang intensiyon, subalit masalimuot na proseso.

Una, ang kaakibat na gastusin sa rehabilitasyon nito ay magpapadugo sa revenues ng pamahalaan. Ang option, panibagong utang panlabas. Ang epekto: bagong pahirap sa presyo ng mga bilihin at malawakang implasyon. Ang talunan: konsyumers.

Pangalawa, sino ang mangangasiwa? Kung ang South Korea (among six other countries) na nag-alok ng pamamahala nito, paano ang pambansang seguridad?

End to Meralco Monopoly?

Wala umanong pagtutol ang Meralco sa planong nukleyar rehabilitation kahit kung tutuusin ay una itong masasagasaan. Ang Meralco ang may hawak ng 80% ng electricity market. Marahil may handang plano ang higanteng utility company sa pagpasok ng nukleyar. Pwede ring ally company na naman nito ang lalaro sa bagong energy mix. A player will always be a player,’ ika nga.

No-Nukes Pa Rin

Solusyon nga ba ang nukleyar bilang alternatibong pagkukunan ng kuryente?

Hindi kailanman option ang ilagay sa panganib ang kaligtasan ng mamamayan. Hindi rin dapat na maging rason ang mataas na singil sa sa kuryente para isaalang- alang ang pambansang seguridad. Higit lalong hindi option ang idiin pa sa malalim na balon ng pagkakautang ang Pinas.

Mataas na singil sa kuryente? Bakit hindi busisihin ang namamayaning swiss challenge sa biddings upang magkaroon ng totoong bukas na kumpetisyon sa power supply agreements?

Kamakailan ay tinatawag na nila itong swiss challenge na alternative biddings. Sinabi ng DOE na kailangan ito dahil sa pagpasok ng panibagong mga teknolohiya sa power sector. Napakaraming kuda at alibi na sa totoo lang ay pagtatakip lamang sa totoong mga kaganapan sa biddings. Na ang mga biddings ay lutong Makaw dahil bago pa man ay may anointed allies na ang mga bidders.

Kaya paano nga mapapaba ang singil sa kuryente kung naka- hostage tayo sa monopolyadong sistema?

May mga paraan.

Pwedeng magtapyas ng tig-ilang sentimo sa generation charges.

Pwedeng kanselahin ang sistemang performance based rating (PBR)at ibalik sa rate on return rate base (RORB) dahil violation ang PBR sa Section 25 ng EPIRA na nagsabing ang retail rates ng distribution utility ay dapat batay sa investments incurred. Sa kasalukuyang rate setting na RORB, maging projected investments ng Meralco ay nakapaloob na sa kanilang capital expenditures. Gets niyo? Kasama na ito sa billing natin buwan buwan! Ito ang matagal nang inilalaban ng consumer group na Matuwid na Singil sa Kuryente (MSK) pero dedma si ERC.

Pwedeng ayusin ang transparency at integridad ng EPIRA provision na pumapayag sa 8.5% systems loss at iba pang loss charge computations (na umaabot pa hanggang 11.5% sa residential at commercial). Ang masaklap sa rules ng ating regulator, ang Energy Regulatory Commission, nasa DU na na mag self-declare ng systems loss charges. Imagine that!

Andaming puwedeng isaayos upang bumaba ang singil sa kuryente na hindi na kailangan mag resulta sa operasyon ng plantang nukleyar.

Napakamahal ng planong rehabilitasyon ng BNPP. Kung tutuusin, mas mainam na gastusin ito sa panibagong generation projects o ipang-subsidyo sa independent power producers at mga electric cooperatives.

Kaya kung ako ang tatanungin, no nukes pa rin ang option na higit na ligtas sa sangkatauhan.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]