TAMAD nga ba tayong mga Pilipino?
Ito ba ang dahilan kung bakit marami sa atin ang hindi umaasenso sa buhay?
Baka salat lang sa pagkakataong umasenso kaya hanggang pagtanda ay mahirap pa rin.
Pero, hindi ako sang-ayon na tamad tayong mga Pilipino.
Ayon kay Secretary Jerry Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa budget hearing na “basta may trabaho, may bahay. Minimum wage earner, sigurado po magkakabahay. Yun pong hindi nagtatrabaho, malamang hindi magkakabahay. Paano po yan mangyayari kung ikaw ay tamad.”
Napaisip tuloy ako sa sinabing ito ni Sec. Acuzar.
Alam naman natin na hindi lahat ng may trabaho, may sariling bahay. Hindi lahat ng minimum wage earner, siguradong magkakabahay.
Lahat ng kilala ko na nagtatrabaho na wala pang sariling bahay ay nangangarap na magkaroon ng sariling bahay at lupa. Karamihan nga sa kanila ay kuntento na kahit maliit lang yung kanilang maipundar.
Hindi rin sang-ayon ang mga kinatawan ng UP Society of Human Settlements Planners sa sinabi ng opisyal.
Anila, “attributing poverty and housing insecurity solely to laziness is a harmful stereotype and an oversimplification of our country’s complex socio-economic issues.”
Tama ang UPSHSP, hindi porke mahirap ay tamad na.
Matagal na ang problema sa pabahay. Ilang proyekto na rin ang inilunsad ng mga nagdaang administrasyon para lang matugunan ang problemang ito.
Hindi ganun kasimple ang proseso para magkaroon ng sariling bahay.
Kung madali para kay Sec. Acuzar na isiping dahil may trabaho, kahit maliit ang sahod ay maaari nang magkabahay, hindi ganun kasimple o kadali para sa mga mahihirap nating kababayan ang maka-ipon lalo pa at patuloy na tumataas ang mga presyo ng bilihin. Uunahin nilang tugunan ang kumakalam na sikmura!
May mga pabahay na itinayo sa labas ng Metro Manila. Ang problema rito ay kulang sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng tubig at kuryente. At sub-standard ang mga materyales ng itinayong bahay. Malayo rin sa lugar kung saan sila nagtatrabaho. Kesa naman gumastos sa pamasahe, bumabalik sila sa Metro Manila at pipiliing mag-renta na lang.
Trabaho ng gobyerno na tulungan ang ating mga mamamayan na salat na salat sa buhay. Kasama riyan ang libreng edukasyon upang magkaroon ng mas magandang oportunidad.
Totoo naman na may mga mangilan-ngilan na talagang ayaw magtrabaho at umaasa lang sa ayuda, mula gobyerno man yan o sa kamag-anak. Subalit maliit na bilang lang sila.
Hindi tamad ang Pilipino.
Dahil tayong mga Pilipino ay masipag, maayos magtrabaho, at higit sa lahat, matalino.
Bigyan mo lang ng pagkakataon o oportunidad, asahan mo na hindi niya ito sasayangin.