DUBAI, United Arab Emirates — Sabi nga nating mga Pinoy, kung nakaya nating makipagsapalaran sa buhay sa Pilipinas, kaya rin nating makipagsapalaran sa ibang bansa.
Kaya nga naman dito sa Dubai, marami kang makikitang mga overseas Filipino workers (OFWs) na pumasok, bitbit lamang ay Visit Visa na inutang pa sa kamag-anak o kaibigan yung ginastos sa pag-apply; isang maleta… isang tiklis ng wikang Ingles… at bayung-bayong na pangarap at ambisyon.
Isa nga sa kanila ay si Gina Fe Bariga Sanico ng Balabagan, Lanao del Sur, na nagsimula ng kanyang paglalakbay sa murang edad; tinalikuran ang scholarship ng Mindanao State University sa Marawi City para sa kursong civil engineering at sa halip ay tawid-dagat na sumuong sa Maynila upang kumita ng pera.
Namasukan sya bulang kasambahay; natuto sa mga galawan sa syudad at pagkaraan ng pitong taon ay nagbalik sa tinubuang Balabagan.
“Gusto ko lang kumita na ng pera. It was my choice po. Hindi naman ako sinabihan ng parents ko na tumulong ako. Pero mas gusto ko nang magtrabaho. Hindi naman kami sobrang kapos. Wala kaming sariling bahay. Papa ko, ang work nya ay vulcanizer/mekaniko; at ang mama ko nasa bahay lang; apat kaming magkakapatid,” sabi ni Gin sa akin.
Taong 2011, ibinilin ang bagong-silang na anak sa mga kaanak at lumipad si Gin, na noo’y 25 anyos, patungong Oman upang magtrabaho bilang kasambahay din; 2013 ay nag-Abu Dhabi sya at naging personal assistant ng isang expat; 2016 nang tumulak ng Dubai.
“Bahala na,” bulong nya sa sarili habang tangan ang kanyang High School diploma. Kayod-marino ang ating bida. May lisensya sya’t marunong magmaneho – plus points ‘yun sa paghahanap ng trabaho.
Di nga nagtagal, natanggap sya.
“Nag-apply ako sa kung anu-anong trabaho hanggang matanggap ako as sales coordinator sa isang seafood company – walang ibang baon kundi self-confidence, at ang aking ‘talking talent,’” sabi pa nya, habang tumatawa sa pagbanggit ng “talking talent.”
“Hindi naman sa pagmamayabang, but yes I am good at words and numbers. And that was the start of my sales and marketing career. Without any degree or experience, naging eager ako na matutunan lahat: accounting, admin, sales and marketing work.
“Dito sa work na ito ko naranasan makipagkamay sa mga top executive chefs, purchasing managers at account managers ng mga five-star restaurants. I met different people from different countries and all walks of life,” sabi ni Gin, na hindi lang pala isang balde ang baong Ingles.
Wala na ngang makapipigil pa sa kanyang ambisyong magtagumpay – kahit pa masunog ang kanilang tinitirahan sa Satwa, isang OFW enclave dito sa Dubai, at lamunin ng apoy ang mga naipon nyang gamit at damit.
Nitong Abril, kumatok ang swerte. Isang ibang-lahi ang pumayag na makipag-partner sa kanya sa isang business: beauty salon. Ang partner, isang Aleman, ang mamumuhunan; si Gin ang magpapatakbo.
Nagbunyi rin ang mga pagsisikap ni Gin, na tutuntong na sa edad na 35 sa isang buwan. Aniya: “I am looking forward na mag-grow ang salon, not just for myself but to help my fellow kababayans here na magkaroon ng work. There are lots of opportunities out there.”
“My plan is always as vast as the ocean. I know this is just the beginning. There will be more in the future. With hard work, determination, patience, perseverance and prayers, I can do more. This has always been my vision the moment I set foot here in UAE. At sana yung plans ko ay maging matagumpay para sa pamilya ko at para makatulong sa kapwa ko OFWs dito sa UAE.”
Ayos di ba? Sa susunod nating kwentuhan, ibabahagi ko naman sa inyo ang istorya naman ni Junie, na nagsimula bilang crew sa isang ice cream house dito at ngayo’y may sarili na ring negosyo.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]