NAKABABAHALA ang tuluyang pagbubukas ng ating ekonomiya sa imports. Bumabaha tuloy ang produktong imported sa ating mga pamilihan.
Kunsabagay, matagal nang polisiya ang importasyon na lalong umiigting sa panahong naging liberal masyado ang pamahalaan sa isyu. Economic integration at reciprocity ang laging raison d ‘etre ng mga policymakers ng gobyerno, na alam naman nating isang malaking huwad na agenda.
At ayun na nga, habang awit (millennial term for aww, sakit!) ang nararamdaman ng agrabyadong mangingisda kasunod ng napabalitang importasyon ng 60,000 metrikomg tonelada ng isda dahil sa inaasahang kakulangan ng suplay sa unang quarter ng taon, wala nang preno sa pagbaha ng mga alien goods sa ating mga pamilihan.
Pinirmahan ni kalihim ng Agrikultura William Dar ang Certificate of Necessity To Import (CNI), sa kabila ng anunsiyo ng National Fisheries and aquatic Resources Management Council (NFARMC) na sapat ang suplay ng isda sa bansa.
Ayon kay Dar, potensiyal na magkakaroon ng deficit sa suplay ng isda na tinatayang nasa 119,000 metric tons ngayong unang quarter ng taon.
Bilasang patakaran naman para sa mga organisasyon ng mga mangingisda ang aksyong ito ng kagawaran. Fishy daw ang panukala, since ang Pinas ay napapalibutan ng dagat. Kakatwa na magkakaroon ng deficit sa napakalawak at napakayamang karagatan ng Pinas.
Namamatay umano ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda dahil sa kagagawan ng illegal fishing ng mga malalaking mangingisda ng Chinese vessels.
Ironically, inaagawan ng mga banyagang ito ang mga Pinoy fishermen ng huli, pagkatapos ay ito ang iexport pabalik sa Pinas sa mas mahal na presyo. China kasi ang pinamalaking exporter ng isda sa bansa. Pinapatay ang mga taga-huli habang ang kumikita lamang umano ay ang gobyerno, middlemen at fish traders.
Ipinanawagan ng mga mangingisda na itigil ang importasyon at imbes na mag-angkat ay lumikha ang DA ng mga polisiya na makakatulong sa sektor na ito upang matiyak na hindi magkukulang ang suplay.
Bukod sa isda, laganap din ang importasyon ng produktong agricultural. Ito ay sa kabila ng pinaigting na crackdown ng Bureau of Customs (BOC) sa mga smugglers.
Kahapon, habang ako ay naglilinis sa aking bakuran, nilapitan ako ng aking kapitbahay na dating seaman na hindi na nakasampa ng barko mula noong nakaraang taon at naisipan na lamang mag ambulatory entrepreneur. Inalok niya ako ng murang mga spices: sibuyas at bawang.
Bilang mabuting kapitbahay, siyempre ay di ako tumanggi noong una. Sa maliit kong paraan, gusto kong ipatronize ang kanyang paninda. Subalit noong makita ko ang kanyang produkto ay agad akong nadismaya. Sibuyas na makinang pa sa aking mga ginto at diamante. Bawang na mas malaki sa nakagawian kong bawang Ilocos. Agad akong nagpasintabi at nagtanong na lamang kung ano pa ang puwede kong mabili bukod sa spices.
Iniiwasan kong tumangkilik ng produktong imported upang ipamulat sa kanya na ang patuloy na pag-aangkat ng produktong banyaga ay maraming risk factors sa health at sa impact nito sa local na ekonomiya. Hinikayat ko siyang tangkilikin ang mga produktong local at ibinigay ang mga kontak numbers ng mga farmer’s organizations kung saan siya direktang makakabili ng paninda. Charity begins at home. Nakakatuwa na agad naman siyang tumalima sa aking rekomendasyon.
Hindi lang dahil sa imported yung produkto kaya ako tumanggi. Maraming konsiderasyon kabilang na ang health hazards. Hindi ba’t dapat ay nililimitahan ang importation to protect small and medium scale enterprises and for reasons of risk to health, among other considerations?
Sa panahong ito na concerned tayong lahat sa pandemya, crucial ang ligtas na nutrisyon. Hindi hinihikayat ang pagtangkilik sa mga imported na produkto dahil sa dala nitong peligro sa kalusugan. Halimbawa na lang ang isda.
May kemikal na ginagamit upang magtagal sa freezer ang mga isda. Sometime ago, napabalitang ang isdang cream dory na imported mula Vietnam at Singapore ay kontaminado ng drug residues na mercury. Bagamat nabibili pa rin ito sa mga supermarket at nakalusot sa mga regulators, higit na ligtas pa ring kumain ng local na tilapia na hindi kinakailangang budburan ng kemikal upang di magkalasog-lasog kahit pa abutin ng maraming buwan sa freezer.
Tinukoy ng DA na maliliit na isda gaya ng galunggong ang iaangkat. Subalit matagal na tayong nag-aangkat hindi lang ng maliliit na isda.
Higit kasi na mas mura ang imported. Kakatwa ito hindi ba? Malinaw na hindi patas ang kompetisyon sa pamilihan. Kaya naman ang tendency ng konsyumer ang mas tangkilikin ang imported, to the detriment of local fisherfolks.
Nalulunod at nalalason na tayo sa baha ng importasyon. . Fatal na ma-discriminate sa sariling bayan ang lokal na mangingisda o magsasaka; pinakamataas na antas ng inhustisya ito para sa akin.
Kung hindi mare-rebisa ang polisiya sa importasyon, malamang magising tayong lahat isang araw na ang isang kilo ng isda ay mas mahal pa sa isang gramo ng ginto.
Hindi economic integration o reciprocity ang tawag sa sitwasyong mas nakakalamang at mas napapaboran ang banyagang produkto kundi economic dependence.
Or worse, economic sabotage.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]