Haste makes waste

SA nakaraang kolum ko (FWIW Disyembre 6, 2022), nabanggit kong approved in principle na ang Maharlika Investment Fund dahil mismong Pangulo ang nagtulak na aprubahan ito sa lalong madaling panahon. Ito ay sa kabila ng maingay at malawak na pagtutol hindi lang ng netizens kundi maging ng mamamayang pribado at publiko, ordinaryong manggagawa at propesyonal.

Hindi ako nagkamali ng hinala.

Napakabilis inaprubahan sa Kamara ang Maharlika Investment Fund (MIF). Singbilis ng 180 degrees turnaround ng mga politikong doble kara na dating tumutol pero ngayon ay sang-ayon na.

Pinakalma pansamantala ang indignasyon sa socmed sa pagrebisa sa panukala bago ito tuluyang inaprubahan. Hindi na isinama ang GSIS at SSS na pagkukunanan sana ng seed money para sa kontrobersyal na sovereign fund.

Ibinida ng economic managers ng bansa sa ginanap na 183rd Development Budget Coordination Committee kamakailan, ipapamuhunan ang sovereign wealth fund na ito sa foreign currencies, domestic at corporate bonds, commercial real estate, infrastructure projects at iba pang malalaking pambansang proyekto.

Makakatulong umano ang pamumuhunan na ito para makamit ang Agenda for Prosperity ng kasalukyang administrasyon. Magtatabi rin umano mula sa kikitain nito ng pondo para sa susunod na mga henerasyon. Mayroon naman daw nakasaad na mga probisyon para mabantayan ang pondo at paganahin ang prinsipyo ng checks and balances ng Konstitusyon.

Dagdag pa ng mga ekonomista, ipatutupad ang matinding pagbabantay at bukas na pangangasiwa sa sagradong pondo sa pamamagitan ng pagtalima sa Santiago Principles of the International Working Group of Sovereign Wealth, at pagtatatag ng tatlong antas na mekanismo para sa checks and balances. Ibig sabihin, idadadaan sa internal audit, external audit at pinakahuli, audit ng Commission on Audit (COA). Ang Santiago Principles ay boluntaryong guidelines para sa promosyon ng good governance, accountability at prudent investment practices.

Dahil kontrobersyal, bahagyang pinakinis ang panukala upang pakalmahin ang negatibong reaksiyon ng mamamayan. Sa nirebisang panukala, bukod sa pagtatanggal sa SSS at GSIS bilang pagkukunan ng seed money, pinagtibay ang mga naturang transparency at accountability provision ng MIF alinsunod sa Santiago Principles.

Idinagdag na pagkukunan sa nirebisang batas ang Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) at planong pagbebenta ng mga ari-arian ng gobyerno gaya ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Hindi na rin itinalaga ang Pangulo ng Pilipinas bilang Presidente ng MIF, pinalitan ito ng Secretary of Finace bilang chairman ng board of governors.

Sa unang sulyap, tila maganda ang mga pagbabago sa panukala na ngayon ay batas na. Tila sagrado rin ito batay sa Santiago Principles.

Ngunit sa realidad, ang panggagantso ay bahagi na ng sistema sa pandaigdigang paggogobyerno.

Sa mas malalim na pagsusuri, ang mga revisions na ginawa ay simpleng regular provisions sa batas na mas madalas isabotahe sa bahagi ng aktuwal nang implemenstasyon. Kung tutuusin kasi, halos lahat ng sinasabi ng ating mga batas ay magaganda, mabubuti at may malasakit sa kapakanan ng taumbayan.

Sa esensiya, kabaligtaran ito.

Sa realidad, ang mga batas ay hindi pantay. Mas malaki lagi ang kabig para sa mga nagsulong nito at kanilang mga kutsaba, at ang ultimong naiiwan sa kangkongan ay ang ordinaryong mamamayan.

Naalala ko nang isulong ang Electric Power Industry Reform Act o EPIRA Law noong 2001. Napakaganda ng layunin nito: least cost of power at stable power supply. Makalipas ang dalawang dekada ng implementasyon, walang nabago sa system rates at billing maging sa monopolyo sa kuryente.

Ang mga dating power players pa rin ang namamayagpag at kumukontrol ng industriya. Dahil monopolyado, sila ang nagdidikta sa presyo ng kuryente. Labis labis na tubo na hindi man lang mag-ambon sa tunay na pinagmumulan ng kapital ng kanilang negosyo. Ang opisyales ng regulatory agency, galing din sa mismong dominanteng power suppliers. Manlalaro din ang tagapamagitan. Ang player ang siya ring referee. Hindi mahirap kung gayon na ikonekta ang mga tuldok.

At ngayon nga, nagising tayo isang umaga na ang kontrobersyal na panukalang MIF ay pasado na sa Mababang Kapulungan. Inabot lang ng dalawang linggong balitaktakan (kung nagkaroon man) at aprubado na. May 279 mambabatas ang pumabor, at anim lamang ang kumontra.

Isang higanteng desisyon ang paggamit sa pondo ng bayan. Hindi ito ordinaryong panukala na agarang inaaprubahan. Wala dapat bahid ng pagdududa sa tunay na layunin ng batas. May buong tiwala dapat ang taumbayan sa sinumang hahawak sa pondong ito. Kung may bahid ng hindi magandang karanasan ang taumbayan sa mangangasiwa nito, dapat muna itong i-parke at masusing pag-aralan. Hindi ito dapat minamadali.

Haste makes waste, ‘ika nga. Sa pagmamadali madalas nagkakamali.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]