MALAPIT na ang Pasko!
Kagaya ko rin ba kayo na excited pag Christmas season?
Favorite time of the year ko ito, pangalawa lang ang aking birthday.
Parang kailan lang ay nagsimula ang 100 days to Christmas countdown, ngayon ay halos dalawang buwan na lang ay Pasko na.
So, nakahanda na ba ang inyong listahan na bibigyan ng regalo?
Sabi nung kaibigan ko, handa na listahan niya, pero hindi pa handa budget niya.
Yun namang isang kaibigan ko, naka-add to cart na raw mga pinili niya na regalo at ready to check out pag nagkapera siya.
May kilala naman ako na namimili ng pang regalo tuwing Enero o Pebrero para sa susunod na Pasko dahil naka-sale na ang mga items. Aniya, ito ang pinaka-practical na paraan para makatipid at iwas na sa iintindihin.
Pare-pareho naman daw ang nasa listahan niya at kung may madagdag sa listahan ay madali na itong laanan ng budget at maghihintay siya ng inventory sale.
May point siya. Wise, ‘ika nga.
Ako naman, naghahanap ng mga item na gawang Pinoy. Support local products ang peg ko.
Hinihintay ko yung mga trade fair sa iba’t ibang mall dahil pag ganitong panahon sunod-sunod ang pag display ng mga product na galing sa Luzon, Visayas, o Mindanao.
Dito ako nakabibili ng mga produkto na hindi binebenta sa mga mall.
Ang isa pang option ko na pang regalo ay ang baked goods.
Naghahanap ako ng recipe sa Google o sa Youtube, tapos yun ang gagayahin ko. Sabi nga ng ilan, ako ay estudyante ng Youtube university.
Mahal man o mura ang pang regalo o natanggap na regalo, i-appreciate natin ito.
Dahil para sa taong nagbigay, ito na ang kanyang best effort. May kasamang sakripisyo yan sa kanyang budget.
Taun-taon naman ang Pasko, pero kakaiba talaga ang saya na dulot ng season na ito.
Kaya ngayong may 69 days bago ang Christmas Day, at kung kaya rin lang ng budget, unti-unti ng bumili ng panghanda at ng pang regalo.
Tandaan natin na hindi factor ang presyo, ang mahalaga ay naalala tayo ng mga taong mahal tayo.