DUBAI, United Arab Emirates — Aabot sa 3,000 na mga Pinoy ang namimiligrong maging ilegal dito sa Dubai sanhi nang muli na namang pag-extend sa travel ban na ipinatupad ng Malacanang sa mga flights mula sa anim na bansa, kasama na ang United Arab Emirates, upang maawat ang pagkalat ng Delta variant ng coronavirus sa Pilipinas.
Napag-alaman ito mismo kay Consul General Paul Raymund Cortes na sinabi sa akin sa isang panayam na nakikipag-ugnayan na sila sa home office ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Maynila upang maresolba ang lumalalang sitwasyon hinggil sa mga standed na mga Pinoy.
Ayon kay Cortes, mahigit 3,000 na ang natanggap nilang request for repatriation, na kung saan ang bulto ay yaong mga may canceled work visa – ibig sabihin nagtapos na ang employment contract o di kaya’y nasisante sa trabaho.
Kapag ganito, may dalawang rekurso ang mga Pinoy: Una, ay bumili ng visit visa upang maging legal ang pamamalagi sa UAE; di kaya nama’y umuwi na muna ng Pilipinas.
Ang overstaying na may canceled visa ay may karampatang multa na AED125 sa unang araw at AED25 sa bawat susunod na araw.
Ipinaliwanag ni Cortes na ang mga overstaying ay di maaring umalis ng UAE hangga’t hindi nababayaran ng kumpleto ang multa. Maari naman silang umalis ngunit hindi na sila muling makakapasok sa UAE – ibig sabihin, BANNED.
“Those overstaying, their visas cannot exit the country without paying appropriate fines, else they can leave and be perpetually banned from re-entering,” sabi ni Cortes.
Unang sinuspinde ang mga flights noong Mayo ng taong ito. Na-extend ito hanggang Hunyo 30; at muli na namang na-extend ng hanggang July 15.
Sa harap ng mga flight cancellations ay nakapagpalipad pa rin naman ang embahada’t konsulado dito ng mga Pinoy pauwing Pilipinas: 348 nito lamang Hunyo 30; 348 nitong Hunyo 16; at 300 nuong Hunyo 1.
Lahat ay lulan ng Philippine Airlines flight 8659.
Naisagawa ang mga special repatriation flights sa bisa ng Bayanihan to Recover as One Act (Philippine Republic Act 11519), na kung saan ay nagkaroon ng koordinasyon ang embahada’t konsulado dito sa DFA upang masundo ang mga stranded na Pinoy.