(Editor’s note: Ang artikulong ito ay mula sa Facebook post ni UP Professor Nestor Castro, na nagpaunlak na mailatahala rito sa Pinoy Publiko.)
NOONG hindi pa nagpapandemic, isa sa mga exercises sa Anthropology classes ko ay ang pasakayin ang mga istudyante ko sa anumang ruta ng jeepney, mag-obserba sa lahat ng kanilang nakikita habang nakasakay, at magsulat ng jeepney ethnography. Bakit pinili ko ang jeepney para makapagsulat sila ng ethnography (deskripsyong pangkultura)? Dahil naniniwala akong ang jeepney ay microcosm ng Philippine society. Makikita sa loob ng jeepney ang ibat-ibang asal ng mga Pilipino.
Halimbawa, kinakailangang malakas ang pakiramdam ng pasahero habang nakasakay. Kung may bagong sakay na pasahero, kinakailangang umusog ka para makaupo siya nang maayos. Kung may nag-aabot ng bayad para sa drayber, kailangang ipasa mo ang bayad hanggang makaabot sa drayber. Hindi pupuwedeng wala kang paki.
May mga paggalang din na nararapat sa loob ng jeepney. Ayaw ng drayber na sumusutsot ka para pumara. Sabi nga sa karatula, ang pagsutsot ay para lang sa aso. Mas ginugusto ng drayber na sabihin mo ang “Para” o di kaya’y “Sa tabi lang po.” Kung nasa Kabisayaan ka, “Sa lugar lang.” Syempre mayroon ding “pull string to stop.”
Kailangang alisto ka sa dala-dala mong mga gamit. Baka may mandurukot na nakasakay din. Alisto ka rin sa dinadaanan ng biyahe. Baka lumampas ka na sa iyong bababaan. Puwede rin namang magtanong, “Manong, dadaan po ba ito sa ____. Pakibaba na lang ako doon.”
Makikita rin sa loob ng jeepney ang ibat-ibang pattern ng kulturang Pilipino. Kinakailangang magbayad ng pamasahe ang mga pasahero (compulsory pattern). Mas ginugusto ng mga pasahero na umupo malapit sa estribo para madali silang bumaba (typical pattern). Karaniwang nakabukaka ang mga lalaki habang nakaupo (typical pattern). Puwede kang nakikinig ng sounds, natutulog, o nakikipagkuwentuhan sa kasama mo habang nakasakay sa jeepney (alternative pattern). Mga maliliit lang na bata ang kinakandong at hindi pinapagbayad ng pamasahe (restricted pattern).
Makikita ang pagiging syncretic ng kulturang Pilipino sa mismong harap ng drayber (syncretic – paghahalo ng ibat-ibang kultura). Mayroong imahen ng Sto. Nino pero meron ding salaming bagua (yung may walong anggulo) para maging ligtas ang biyahe. Pero meron ding karatulang “God knows Hudas not pay.”
Magkakaibang klase ng tao ang mga pasahero – may bata, may matanda, may istudyante, mayroong empleyado, may babae, may lalaki. Kadalasang hindi magkakakilala ang mga pasahero pero sama-sama sila sa iisang sasakayan at may iisang patutunguhan – ang direksyon ng jeepney. Ganyan tayo sa lipunang Pilipino. Hindi naman tayo magkakakilala pero nasa iisang bansa tayo at sana, may iisang hangarin din.
May pagkakaiba-iba rin ng kultura ayon sa lugar. May mga pumipila at nagbabayad bago sumakay. Mayroong drayber na laging kasama ang misis sa tabi na siyang nangongolekta ng bayad. May mga jeepney terminal na may mga barker – ang taga-tawag sa pasahero. Sa ilang prubinsya, may mga jeepney na mayroon ding konduktor. Bagamat iisang bansa tayo, may kakanyahan pa rin ang ibat ibang rehiyon at grupong etniko sa ating bansa. Pero lahat pa rin tayo ay mga Pilipino kahit na may pagkakaiba-iba.
Hindi komportableng sumakay sa jeepney. Pilit ipinagsisikan ang “siyaman” kahit pampito o pangwalo lamang ang kasya sa upuan sa bawat panig ng jeepney. Pero tinitiis natin ito. Ganun din naman ang buhay, puno ng kahirapan at pagtitiis. Iyong mga nakakaangat lang sa buhay ang hindi nakakaranas ng ganitong mga paghihirap.
Maraming aral na mapupulot sa pagsakay sa jeepney. Pati ba naman ang tagapagdala sa mga aral na ito ay aalisin na dahil sa kautusan ng ating gubyerno?