Grace Poe may ‘K’ maging kalihim ng DICT

MATUNOG ang pangalan ni Senador Grace Poe bilang susunod na secretary ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Nangunguna ang pangalan niya sa isinagawang survey noong March 10, 2025 na may sample size na 2,000 respondents.

Ayon sa resulta ng survey na isinagawa ng Tangere, mayorya sa mga natanong sa survey ay umaayon na si Poe ang dapat maupo sa DICT dahil sa kanyang experience bilang chairperson ng Committee on Public Information and Mass Media sa Senado.

Sa ngayon, officer-in-charge ang namamahala sa DICT matapos mag-resign sa pwesto si Secretary Ivan John Uy.

Ang tanong: kaya ba ni Senator Poe na pangunahan ang naturang ahensiya?

Sa aking palagay ay kaya ni Poe pangasiwaan ang DICT. Tiyak na napag-aralan na niyang mabuti ang function ng ahensiya dahil sa maraming pagdinig na isinagawa ng kanyang dating komite sa mga polisiya na may kaugnayan sa information, communication and technology.

Bukod diyan, siguradong may mga taong gagabay kay Poe na mga mapagkakatiwalaang tao na puno rin ng karanasan sa loob ng DICT, sakaling siya na nga ang hiranging susunod na secretary. 

Sakabila nito, tiyak din na malaking hamon ang haharapin ni Poe sakaling siya ay ma-appoint sa DICT dahil sa malaking problema ngayon nang patuloy na pagkalat ng mga manloloko gamit ang registered sim cards. 

Nariyan din yung pag-implement ng malawakang Internet access sa mga public schools at government agencies na may bilyon-bilyong budget.

Malawak ang sakop ng DICT. Ito ang ahensiyang responsable sa information and communications technology (ICT) ng bansa, bukod pa sa paggawa ng mga polisiya at pag-implement ng ICT hindi lang sa gobyerno, kundi pati sa mga pribadong negosyo, edukasyon, at civic services.

Kailangan na ng isang taong hahawak sa DICT. 

Kailan kaya magdedesisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.?

Hindi naman siguro mahirap pumili sa pagitan ng dalawang tao.