PARANG roller coaster ang emosyon ng madlang Pilipino sa week na ito.
Sa isang banda ay nagdiwang ang buong bansa dahil kay Hidilyn Diaz na nagbigay ng unang gintong medalya sa Pilipinas sa Olympic Games sa Tokyo.
Sa kabilang bahagi naman ay nangangamba ang marami sa panibagong lockdown dahil sa lumalalang bilang ng kaso ng COVID 19 Delta variant na totoong nakakatakot naman.
Talagang hindi sigurado ang takbo ng buhay ngayon. Maaaring ngayon ay nasa langit tayo pero bukas lugmok naman.
Ito ang buhay na dala ng pandemya sa ating lahat.
Pero natutuwa ako dahil sa accomplishment ni Hidilyn Diaz.
Hindi naging madali ang daan ng tagumpay para kay Hidilyn. Noong 2020 ay nagtungo siya sa Malaysia para sa training niya. Sa kasamaang palad doon siya inabot ng pandemic.
Dahil sa pandemya ay napilitan siyang maging creative sa training niya. At marahil, dahil unorthodox ang training na ibinigay sa kanya ni Coach Gao, ay tumindi rin ang naisin niyang manalo.
Pero hindi pa natin nalalasap ang sarap ng tagumpay, eto na at lumalabas na ang balita na magla-lockdown na naman tayo.
Hirap na hirap magdesisyon ang mga otoridad dahil naghihingalo na ang ekonomiya natin, pero mas malala kasi ang kapalit kung hindi nila haharapin ang problema ng Delta variant ng virus.
Dito natin makikita na kahit papaano ay may aral tayong makukuha sa hirap na dinanas ni Hidilyn.
Naipit sa Malaysia, walang gym para mag train, walang equipment, sa garahe ang praktis para lumaban sa Olympics, kung saan world class training ang natatanggap ng kanyang mga makakalaban.
Pero dahil sa commitment at pagpursigi, nagawa pa rin ni Hidilyn na masungkit ang mailap na gintong medalya.
Siguro kung lahat tayo ganito kapursigido na malampasan ang indulto na ito, baka mas maganda pa ang makita natin paglabas natin sa pandemic na ito.
Tayo rin naman kasi ang pipili kung ang makakamit natin ay ginto o pilak.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]