NOONG araw pa balita na kapag panahon ng eleksyon ay maraming multo ang bumoboto para sa isang nagbabayad na kandidato.
Ang tinutukoy ko ay yung mga tinaguriang “ghost voters” na kasabay na gumagawa ng kalokohan ng mga flying voters.
Pero iba ang nangyayari ngayon sa isang bayan sa Luzon dahil sa tinatawag naman na “ghost campaigner”.
Opo, patay na taga-kampanya.
Ilang buwan makalipas na mamatay ang isang batang pulitiko mula sa isang papasibol na political clan sa Region 3 pero hanggang ngayon ay gamit na gamit ng kanyang mga kaanak ang pangalan at alaala ng namatay na lider.
Noong nasa ospital pa lamang ito at nakikipaglaban sa kanyang sakit ay minsang narinig na sinabi ng tatay niyang pulitiko na oras na gumaling ang kanyang anak ay pagpapahingahin na niya ito sa pulitika.
Pero hindi nagtagal ay namatay nga ang batang pulitiko na noong una ay ayaw pang ipagalaw ng tatay ang bangkay dahil sa paniniwalang kaya pa niyang buhayin ito sa tulong ng kanyang pananampalataya.
Kasabay ng pangyayaring iyun ay ang pagguho ng matagal na nilang ikinamadang plano sa pulitika.
Tatakbo sana bilang vice president ang isa sa mga kasapi ng kanilang pamilya, senador naman ang tatay at kongresista ang target ng isa pa nilang kapamilya.
Pero dahil sa mga pagsubok na dumating sa kanilang buhay ay nasira ang planong iyun.
Noong nakaraang filing season ay nagtandem para sa mga mataas na local position sa kanilang bayan ang mga miyembro ng kanilang angkan.
Bagama’t hindi pa naman panahon ng kampanya ay nagkalat na sa kanilang lugar ang mga larawan ng namatay na pulitiko na siyang ginagamit nila bilang name-racall para makahikayat ng suporta sa kanilang mga kababayan.
Minsan na ring namarkahan ang angkan na ito dahil sa paghingi ng 30-percent na porsiyento sa mga kontratista na binibigyan nila ng mga proyekto.
Hindi na kailangan ng marami pang clue dahil sikat na sikat ang angkan na ito pero isa lang ang tiyak….Hindi gusto ni “Lord” ang kanilang mga ginagawa.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]