NAKUKULANGAN ako sa ikinikilos ng Department of Education (DepEd).
Nababagalan ako sa kilos ng departamentong dapat ay mabilis mag-isip kung ano ang mabuti para sa ating mga estudyante.
Ano ba ang ginagawa ng DepEd Secretary? May balita ba kung may mga department order siya hinggil sa mga dapat baguhin sa academic year?
Kailangan ba ng isang batas para maibalik sa dating school calendar na Hunyo hanggang Marso ang pasukan? Hindi ba sapat na magbigay ng Executive Order ang Pangulo para dito?
Ang good news ngayon ay sa Hunyo na sisimulan ang pasukan sa darating na academic year. Matatapos na rin ito sa Marso. Kulang lang ng 15 araw ang school calendar pero okay na rin ito at mapupunan naman sa pamamagitan make-up class ng Sabado or modules.
Kinagagalak ko ang balitang ito dahil ang alam ko, dapat nang isipin ang kapakanan ng mga mag-aaral, mga guro, non-teaching staff at mga service maintenance ng paaralan na apektado ng sobrang init panahon.
Ito na ang ating normal na panahon, may El Niño man o wala. Mainit, maalinsangan. Lalong iinit ang panahon dulot ng kakulangan ng mga puno.
At kung maulan, baha naman ang ating susuungin, dahil walang mga puno na sisipsip sa tubig dulot ng ulan, bukod pa sa kakulangan sa pagpa-plano ng tamang drainage system.
Maging si Pangulong Ferdinand Marcos Junior ay sang-ayon na ibalik na sa dating school calendar ang pasukan.
Hindi nakakatulong ang asynchronous classes sa continued learning ng mga estudyante. Bumaba ang pangkalahatang comprehension ng mga estudyante.
Iba pa rin ang face to face dahil mas nabibigyan ng atensiyon ng mga guro ang pag-aaral ng mga estudyante.
Bagama’t malaki pa rin ang problema ng DepEd sa kakulangan ng mga silid-aralan at bilang ng mga guro, mas makakabuti para sa mga mag-aaral ang pumasok sa silid-aralan.
Ngayon, ang dapat na pagtuunan ng DepEd ay paano ibabalik ang kalidad ng edukasyon sa ating mga pampublikong paaralan. Hindi naging epektibo ang online class.
Ang dapat na prayoridad ngayon ng DepEd at ng ating gobyerno ay magkaroon ng sustansiya ang mga itinuturo dahil kulelat na tayo kumpara sa ating mga kapitbahay na bansa.
Huwag din dapat kalimutan na bigyan ng magandang benepisyo ang ating mga guro para di na nila maisipan pa ang mangibang-bansa.