Gadon, ganon?

WALA na bang respeto sa Korte Suprema, sa taumbayan, sa batas, sa hustisya at sa kanyang sarili si Marcos Jr? 

Hahamakin ang lahat masunod ka lamang ang peg.

Sa kaso ng suspendidong lawyer na si Larry Gadon, hahamakin ni Marcos Jr. ang lahat ma-appoint lang ang talunang kandidato na isiniksik nila sa kanyang senatorial ticket last year.

Si Gadon na ang Presidential Adviser for Poverty Alleviation na inanunsyo ng Malacanang nitong Lunes, June 26.

Pangako yan ni Marcos  sa mga kumandidato sa kanyang coalition party tulad ni DND chief Gibo Teodoro na natalo noong nakaraang halalan.

Ni-reward din ni Marcos Jr ang mga sumuporta o/ at nagpondo sa kanyang campaign tulad nina Enrique Razon at Dennis Uy na inextend ang kontrata nila sa panggagatas ng P100 milyon monthly sa kita ng Malampaya kahit zero experience sa oil exploration and production na minamandato ng batas, etc.

The fact na isinama niya sa senatorial line-up noon si Gadon, talagang hindi nag-iisip.

Sino ang makalilimot sa viral video n’ya noong December 15, 2021 sa kanyang verbal na pambabastos at pambababoy sa correspondent ng South China Morning Post na si Raissa Robles?

Gigil sa galit si Gadon kay Raissa dahil tinawag ng mamamahayag na tax evader si Marcos sa kanyang tweet gawa ng hindi nila pagbayad ng estate tax liabilities.

Ito ang dahilan kung kaya noong January 4, 2022, sinuspindi si Gadon ng Supreme Court.

Pinagbasehan din ng SC ang mga naunang kontrobersya  at mga palpak na asal na ipinakita ni Gadon bilang abogado.

Lumaban at binuweltahan siya ni Raissa ng patong-patong na criminal charges.

Dati nang nasuspinde ng SC si Gadon noong 2019 dahil sa mga pahayag sa paggamit ng legal remedies na mabagal at magastos at malisyoso at mayabang na lenggwahe sa kalaban nito sa kaso at sa abogado ng biktima.

Kaliwa’t kanan ang isinampang disbarment cases laban sa kanya:

Una, noong 2016 sa kanyang pangangampanya, nangako siyang sasalakayin at pagpapatayin ang lahat ng myembro ng MILF kasama ang mga asawa’t anak nila. Talo siya sa botohan.

Pangalawa, noong 2018 nang idemanda siya ng lawyer na si Wilfredo Garrido Jr dahil sa mga maling pahayag niya laban kay dating SC Chief Justice Lourdes Sereno.

Noong taon ding iyon nang sampahan siya ng walong disbarment case ng mga minura at tinaasan niya ng dirty finger ang mga supporters ni Sereno na nagpoprotesta.

Noon namang August 2020, nanakot siya sa paggamit ng face masks at sinabi niyang hindi siya naniniwala na maiiwasan ng face masks ang tamaan ng covid-19 na top preventive measure ng World Health Organization at pambansang protocol ng Pilipinas.

Pagdating ng 2021, sa video ng DWIZ, sinabihan niyang nagka-HIV si dating Pangulong Noynoy Aquino III.

At panghuli yung verbal assault niya kay Raissa noong 2022.

Impeccable ang credentials.

Consistent.

Consistent na abusado.

Syempre eto namang Presidential Communications Office naglabas ng mga work experience ni Gadon bilang corporate executive at legal counsel sa manufacturing, information technology, realty development, healthcare, resorts and hotels, construction at trading.

Winner.

Winner sa pagpapayaman si Gadon.

Winner sa kawalan ng karanasan sa poverty alleviation.

Walang competency sa assigned task. Paano magiging effective sa pagdeliver ng solusyon sa kahirapan.

Baka magdeliver at magkalat lang yan ng pagmumura at pang-aabuso sa kapwa. Wag naman sana.

At the end of the day, asa pa ba kay Marcos Jr sa maraming desisyon na ginawa niya mula nang nanalo siya sa pagpapakalat ng mga kasinungalingan, mis/ disinformation, malawakang pagbili ng mga boto at pandaraya?

Asa man o hindi, lumang pulitika pa rin ang dominante, hindi na naputol-   kasama ba sa legacy yan ng pumanaw na tatay na diktador? 

Imbes linisin ang imahe ng marahas na mandarambong,  lalong binubulok sa basura ng kasaysayan ang tatay?

Habang papapalapit ang State of the Nation Address (SONA),  gumaganda at bumabango ang achievements ng Marcos ruling elite.

Welcome Maharlika Investment Fund.

Mabuhay ang 31 million!