PUMASOK na ang panahon ng anihan sa bansa, subalit imbes na ikatuwa ito ng mga magsasaka, tila matinding pagkadismaya at mas malalalim na buntong-hininga ang nararamdaman sa tuwina dahil sa sumadsad na ang presyo ng palay.
Sa ilang lugar sa Mindanao halimbawa, umaabot sa P13 kada kilo ang bilihan ng palay.
Kung sa current buying price ng NFA na P19 kada kilo ay lugi na ang magsasaka, ano pa ang mapapala nila sa presyong P13 kada kilo? Pinapalala pa ng balitang aabot sa 3.9 milyong metriko tonelada ang kabuuang aangkating bigas sa taong ito, habang nananatiling bagsak ang presyo ng palay.
Bilang tagamasid at tagaseguro sa kapakanan ng mga magsasaka, tinipon ng grupong Integrated Rural Development Foundation (IRDF), ang National Movement for Food Sovereignty (NMFS) at ang Alliance for Resiliency, Sustainability and Empowerment (ARISE) ang mga stakeholders upang pag-usapan ang mga aksyon at kaakibat na solusyon sa napipintong pandaigdigang kasalatan sa pagkain.
Kaugnay ng panawagan kamakailan ng National Food Authority (NFA) na itaas ang buying price for palay, nagpahayag ng suporta ang network ng mga magsasaka at hiniling na maglatag ng konkretong aksyon mula sa grassroots hanggang sa mga nasa mataas na puwesto- LGUs at legislators. Hiniling ng NFA na makipagtulungan ang mga LGUs at mambabatas upang sumigla ang presyong iniaalok sa mga magsasaka. At upang mangyari ito, kailangan ang kaakibat na pagtaas ng kapital o pondo ng NFA upang maitaguyod ang inisyatiba.
Inilarawan ni Executive Director ng IRDF at Convenor din ng ARISE Director Arze Glipo ang sitwasyon ng mga magsasaka bilang nasa emergency mode na nangangailangan ng kagyat na atensiyon at aksyon mula sa NFA at local government units na agarang mamili at samantalahin ang harvest season upang matulungan ang magsasaka; mapigilan ang lumalaganap na importasyon ng bigas at sa pangkalahatan, mapaghandaan ang paparating na pandaigdigang taggutom.
Sinusuportahan ng IRDF at ARISE ang inisyatiba kamakailan ng ahensya na madagdagan ang kasalukuyang presyo ng palay na P19 kada kilo (dried and cleaned palay) ng mula piso hanggang dalawang piso o higit pa. Ipinanawagan ang dagdag na halaga upang maitaas sa P22 hanggang P25 ang maging buying price ng palay. Ang dagdag na halaga ay manggagaling sa pondo ng local government units (LGUs) at ng mga mambabatas.
Sinabi ni Director Elimar Ragindin, Manager ng Operations Coordination Department ng NFA, na maraming LGUs na ang nagpahayag ng interes upang tulungang maitaas ang presyo ng palay. Marami ang pumirma na ng memorandum of agreement (MOA) gaya ng buong lalawigan ng Isabela na ang total volume procured in price value ay umabot sa P11.2 milyon sa halagang P2 kada kilong idinagdag sa kasalukuyang P19 buying price.
Nakinabang ang may 1,363 magsasaka dito. Ang Cagayan Valley, partikular ang Quirino ay naglagak na rin ng mahigit P1 milyon sa P3 kada kilong ipinatong sa NFA buying price. Mahaba ang listahan ng mga LGUs na kasalukuyan ay nakikipag-negosasyon sa NFA para sa pagpapatupad ng programang ito.
Sa mga mambabatas, tanging si Congresswoman Janet Garin pa lamang ang nasa record na naglaan ng pondo para sa dagdag na presyo ng palay sa mga bayan ng Tigbawan at Oton sa Iloilo.
Bukod sa lehislatura ay sumulat din ang NFA sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang hikayatin ang mga LGUs na maging bahagi ng Palay Marketing Assistance Program for Legislators and LGUs (PALLGU) upang tugunan ang pangangailangang suplay ng bigas. Kasabay ng layunin na mapalaki ang kita ng mga magsasaka ay ang pagtulong na rin sa mga mambabatas at LGUs na mapunuan ang kailangang bigas para sa kanilang mga nasasakupan.
Sa ilalim ng PALLGU, papasok sa kasunduan ang mga mambabatas at LGUs upang sila mismo ang magbenta ng palay ng mga magsasaka sa paraang ang NFA ang sasagot sa premium price na P19, at dadagdagan ng LGUs at mambabatas ang naturang halaga ng mula piso hanggang dalawa o higit pa.
Kapag naitaas ang buying price ng NFA, ayon kay Director Ragindin, mas mahihikayat din ang magsasaka na magbenta sa kanila at hindi mapilitang ikontrata ang kanilang mga produkto sa private traders. Subalit nang dahil sa limitadong badyet ng NFA, hindi ito nakakasabay sa kompetisyon sa private traders na rason kung bakit napako sa P19 ang buying price ng palay. Mapapahina rin ang pribadong importasyon kung mas maraming aning palay ang mabibili ng NFA dahil sa mas mataas na buying price resulta ng kooperasyon ng LGUs at iba pang stakeholders.
Sa ilalim ng kasalukyang food security framework ng Kagawaran ng Agrikultura, mas nakakiling ang bansa sa importasyon sa pagaakalang ito ang magbibigay kaseguruhan sa suplay ng bigas na siyang primary staple ng mga Pinoy. Kung kaya hayahay at may ease of access ang mga dayuhang produkto na bumabaha sa ating mga pamilihan.
Hindi masama per se ang importasyon. May mga pandaigdigang kasunduan ang bawat bansa upang magpalitan ng kalakal. Isa na nga rito sa mga produktong ito ang bigas.
Ang nakakabahala ay ang dependence sa importasyon.
Paano na lamang ang mga mamamayan kung tuluyang umayaw sa pagtatanim dahil mas tinatangkilik naman ang imported rice? At paano kung hindi na pinayayabong ang kaiisapang sariling pagtatanim dahil mas binigbigyang halaga ang pag-aangkat, pagkatapos ay lumala ang pandaigdigang krisis sa pagkain at nagkaroon ng paghihigpit sa importasyon dahil sa delubyo ng malawakang kagutumam?
Ang limitado at profit-oriented na food security framework ng gobyerno ang maaaring siya mismong maging dahilan ng malawakang kagutuman ng mga mamamayan ng bansa. Mapipilay ang local food production nang dahil sa misplaced framework na ito, at mas mahihirapan ang bansa na makahulagpos sa tanikala ng kagutuman.
Subalit kung ngayon pa lamang ay magpursige ang gobyerno na ibaling sa food sovereignty framework ang programa nito kung saan ang ating local food producers ang siya mismong bibigyan ng subsidy at mas malawak na suporta sa pagtatanim upang hindi na tayo umasa sa importasyon, makatitiyak tayo na anumang pandaigdigang delubyong dumating, hindi maigugupo ng krisis sa pagkain ang mamamayan dahil may kakayanan tayong lumikha ng sarili nating mga produkto na hindi umaasa sa importasyon.
Mahalagang maging self-reliant ang bansa lalo na sa usaping malapit sa sikmura. Hindi lang basta seguridad sa pagkain ang nararapat na polisiya, mas mainam kung malaya na makakapag prodyus ng sariling pagkain bunsod ng decisive government intervention na nakabatay sa food sovereignty framework.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]