MAITUTURING mo ba na ikaw ay “food poor?”
Yung kinukulang ka sa budget para makabili ng pagkaing may tamang sustansiya.
Yung nakararanas ka ng gutom sa bawat araw? Yung kulang ka sa nutrition?
Mapagkakasiya ba ng halagang P64.00 kada tao sa bawat araw para makabili ng pakaing may tamang nutrisiyon?
Ito kasi ang halagang binigay ng National Economic Development Authority o NEDA sa Senate hearing nung tanungin ang ahensiya kung ano ang kasalukuyang threshold para masabing “food poor” ang isang tao.
Ang sagot ba naman ay P64.00 kada araw o tig-P21.33 para almusal, tanghalian at hapunan. Kada tao yan.
Nakakaiyak ang halagang ito.
Kahit saang angulo ko tingnan, kulang ang halagang ito para mapunan ang pang-araw-araw na pangangailangang nutrisiyon ng isang tao.
Ano nga ba ang ibig sabihin kung ang isang indibidwal ay food poor?
Ibig saihin nito ay walang kapasidad na makabili o makakain ng masustansiyang pagkain.
Ang kakulangan ng nutrisiyon sa katawan ng tao, lalo na kung bata pa ito, ay may malaking epekto sa pisikal at pangka-isipan.
Mahalaga na magkaroon ang isang tao ng access sa mura ngunit masustansiyang pagkain.
Hindi sapat ang ino-offer ng Kadiwa.
Ang kailangan ay ang mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin, hindi lamang ng bigas.
Ngunit isa na lamang itong pangarap.
Ang isa pang kailangang baguhin ay ang system ng pagsukat ng food poverty ng NEDA na base sa binibigay na impormasyon ng Food and Nutrition Research Institute o FNRI.
Mahigit 10 taon na ang pinagbabasehan ng FNRI hinggil sa pagsukat ng food poor threshold. Masyado na itong obsolete.
Sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, hindi na valid ang halagang ito.
Kailangang mag-step up pa ng ating gobyerno para makatulong sa mga kababayan nating nasa laylayan.