YES, that’s correct. It’s flesh sale, not flash sale.
Pero pwede rin naman talagang flash flesh sale. Madaliang bentahan ng katawan. Oo, ang katawan bilang produkto o merchandise. Illegal ito sa batas subalit hindi gaanong mahigpitan ang pagpapatupad nito. Tolerated, ‘ika nga.
Napapanahon itong pag-usapan dahil uso ang flash sale sa Kapaskuhan. Akala natin, ang flash sale ay tumutukoy lang sa mga material na bagay na nais makamtan tuwing Pasko.
Ang totoo, sa kagustuhang makasabay sa magarbo at komersiyalisadong kaisipan tungkol sa Pasko, nagkakaroon din pala ng flesh sale. Easy money upang magkapera kapalit ng pakikipag-sex sa kahit kaninong handang magbayad.
Ang nakakalungkot, kahit galing middle income- earning family, maraming kabataan edad 14 to 30 ang kumakagat sa ganitong kalakalan. Manipestasyon na may moral vacuum sa ating lipunan.
Yung iba naman, kapit sa patalim. Kasi walang mapasukang hanapbuhay. Kasi kapos sa buhay. Mas madaling ibenta. Mas madaling kumita sa pagpapakita ng hita. Sa pagbebenta ng hubad na katawan.
Yung anak ng kaklase ko sa probinsya, biglang alagwa sa buhay. Hanggang sumingaw ang kuwento ng mga Marites na ang ginagawa umano pala niya ay maghubad sa isang porno site sa socmed. Ang mga parokyano: dayuhan at lokal.
Yung kapitbahay ng kapatid ko na extra sa mga pelikula, di na makabayad ng nirerentahang apartment. Kaya ang inaalok na pambayad sa landlord, ang kanyang katawan.
Isa sa pinakamatandang propesyon sa Pinas at sa buong mundo ang prostitusyon. Sa datos, factor ang kahirapan ng buhay kaya nasasadlak sa ganitong trabaho ang maraming kababaihan (at kalalakihan maging mga gay o bakla).
Tinatayang nasa 400,000 ang bilang ng mga kababaihan sa Pinas ang sangkot sa prostitusyon. Hindi kabilang dito ang mga hindi dokumentadong komersyal sex workers, seasonal prostitutes, overseas “entertainers” at mga biktima ng sex trafficking sa labas ng bansa.
Hindi rin kasama ang mga occasional flesh traders sa mga depressed areas na nakikipagtalik kapalit ang ilang kilo ng bigas (may mga ganitong pangyayari sa isang lugar sa Batangas kung saan seasonal ang trabaho ng mga asawang lalaki at kailangang dumiskarte ang mga asawang babae para may maisaing). Nangyayari rin ito sa marami pang depressed areas sa lungsod at maging sa kanayunan.
Dahil maituturing na itong isang industriya, , matatagpuan ang tatlong klase ng prostitutes sa mga casa na pinapamahalaan ng isang mama-san, recruiter, runners, at pimps o bugaw. Karaniwan na nasa casa ay mga babaeng nasa edad 16 hanggang 20, at na recruit mula liblib na mga probinsya kung saan ang mga magulang ay nabayaran ng mula P3,000 hanggang P5,000.
Ang ikalawang klase ng mga prostitute ay mga tinatawag na “akyat-barko” o “alupihang dagat”. Ang mga babaeng recruit ay dinadala ng mga bangka sa mga nakaistasyong mga barko kung saan sila nakikipagniig kapalit ng bayad sa mga parokyanong seaman mula sa iba’t ibang lahi.
Ang pangatlong klase, ay mga “freelancers.” Maraming uri ng freelancers. Ang pinakamarami sa ngayon ay mga kabataang tinatawag na “sugar babies”. Hinahada sila ng may edad na mga sugar daddies na ibinabahay sa ‘condo” o kaya ay occasional na dinadala sa mga motel. Tinatawag din ang ganitong setup na ‘prosti-tuition”at isa itong bukas na lihim sa mga paaralan sa Metro Manila, Davao, Cebu, Iloilo, Palawan. Boracay, Cabanatuan, Olongapo at maging Baguio.
Ano ang responde ng gobyerno sa flesh trade?
In denial kung titingnan ang gobyerno sa usapin ng prostitusyon. Bagamat laganap ito at illegal, ang tanging nagagawa ng gobyerno ay hatagan sila ng mga direktiba tungkol sa pag iingat sa pakikipagtalik. Hindi rin halos makontrol ang sex trafficking in the guise of “entertainers” dahil malaking remittance ang naipapadala ng mga ito at maliwanag itong rebenyu para sa bansa.
Dahil discreet ang operasyon ng mga organisadong prostitution mafias, wala naman talagang nahuhuli dahil mas madalas na kahit niri- rescue ang mga biktima ay bumabalik din sa ganitong uri ng hanapbuhay. Sa milyon-milyong walang empleyo, prostitusyon ang nagsasalba sa kanila upang maitawid ang araw-araw na kakainin at gastusin.
Sa isang bansang mahirap gaya ng Pinas, minsan talaga ang tanging opsyon ng mahirap ay isuko ang dignidad para lang makatawid sa araw-araw na hamon ng matinding kahirapan. May mga grupong tumutulong sa mga sex workers, subalit hindi ito sumasapat upang tuluyan na makaalis ang mga biktima sa kinasasadlakan nilang mahirap na sitwasyon.
Kung may pinakamagandang pamasko para sa uri ng mga manggagawang ito, ito ay ang disenteng employment option upang makapag-bagong buhay. Kung paano, saan, at kailan, isa pa rin itong hiling na walang katiyakang matutugunan.