Fight lang

MAY panalo na at patuloy na nagwawagi sa laban kontra malayang pamamahayag sa Pilipinas.

Higit tatlong dekada na ang National Union of Journalists of the Philippines mula nang itinayo ito ng beterano at makabayang mamamahayag na si Antonio Ma. Nieva.

Nire-red tag, inilista na kaaway ng estado sa “Knowing Your Enemy” military campaign presentation noong 2005 sa mga barangay, pinamunuan ng mga corrupt na mamamahayag, paboritong i-Dutertroll, paulit-ulit na na-DDOS, ano pa.

Kaliwa’t kanang bigwas ang sagot dyan ng NUJP dahil alam ng watchdog ang totoong galawan ng mga sinungaling, manloloko, mapagpanggap, may topak, may sapi, makakapal ang mukha, nagpe-Fentanyl, Hudas, Barabas, Hestas.

Fight kung fight pwera lang sa Dutertrolls na sandosenang pake ang reaksyon ng samahan.

Hindi umatras ang NUJP sa estado, PNP-AFP na pangunahing pumapaslang sa media workers nang nagsimulang dumami noong 2005.

Pinaka-karumal-dumal, pinaka-madugo, pinakademonyo na nga rito ang Ampatuan Massacre noong 2009 na may 32 journalists ang pinatay.

Sa Duterte Regime mula June 30, 2016 hanggang April 30, 2021, na-document ng NUJP at Center for Media Freedom and Responsibility ang 233 cases ng attacks at mga banta sa working press.

Mahigit kalahati nito o 114 ay nagsasangkot sa mga taong gobyerno: 42 ay AFP at PNP, 38 ay local government officials at 34 ay national government officials.

Nasa 19 dyan ay pinatay, walo ay tinangkang patayin, 37 idinemanda ng libel, 11 inaresto, may pinagbawalang mag-cover, pinasara ang ABS-CBN.

May news offices na tumanggap ng bomb threat, facilities at equipment na sinunog at may website attacks.

Sa rehimen ni Gloria Arroyo, pinakamaraming pinatay na journalists kasama na ang Ampatuan massacre. Isama na ang harassments at libel.

Panahon din niya nang i-file at ipasa sa Senado ang Right of Reply Bill ni Sen. Nene Pimentel na isang prior restraint sa news media.

Sa pagpupulong na inorganize ng NUJP, for the first time, pumusisyon at nagkaisa ang buong media sector kasama ang Philippine Press Institute, Kapisanan ng mga Broadcastet ng Pilipinas, Philippine Daily Inquirer, GMA 7, ABC 5, ABS-CBN, at iba pa para ibasura ang panukala.

Kung naalala nyo ang Manila Peninsula Siege nina Trillanes, pinagdadampot at ikinulong ng militar ang mahigit 50 foreign at Philippine media workers na nagko-cover sa nabigong mutiny.

Again, for the first time, sa kumperensya na pinangunahan ng NUJP, nagkaisa ang media na bweltahan ng demanda ang Arroyo government, AFP at PNP.

Pers taym din sa history na may 42 journalists ang ni-libel ng iisang makapangyarihang tao – si First Gentleman Mike Arroyo. Patunay na ginagamit ng nasa power ang batas (libel) para supilin ang malayang pamamahayag.

Running joke nga sa media na ang Pinoy journalists ay nag-aagahan, tanghalian at hapunan ng mga panggigipit, banta at bala.

Namuntikanan pa nga ako pero hindi itinuloy ni Mike Arroyo ang libel – ang alam ko, ito ay dahil nung ibinalita namin ang anomalya, kinuha namin ang side nya.

Nagpetisyon ang NUJP kasama ang mahigit 700 media men na tanggalin ang criminal aspect ng libel law.

Inatras ni FG Mike ang mga kaso kahit nag-dare ang mga dinemanda na ituloy ang proceedings para malaman ang mga katotohanan sa kanilang ibinalita o opinyon.

Ang malalang nangyari, imbes i-decriminalize ang libel, dinoble pa ang parusa sa cyber libel sa ilalim ng Cyber Crime Prevention Act na pinirmahan ni Presidente Noynoy Aquino. Isiningit lang yang cyber libel ni Senador Tito Sotto na napikon sa madalas na cyber bullying sa kanya.

Panahon din ni PNoy huling inisnab ang pagsasabatas ng Freedom of Information Bill na unang isinulong ni Senador Raul Roco noong 1987.

Hanggang sa huling sesyon na nireject ang FOI Bill, nandun ang NUJP at iba pang advocates. Takot talaga ang mga kangkongresista na mahalungkat ang kanilang mga baho, pandarambong at iskandalo.

Nasa kasaysayan din ang FOI campaign ng NUJP dahil for the first time, naglabas ng stand ang media networks tulad ng Philippine Daily Inquirer, ABS-CBN at GMA 7 para ipasa ito.

Syempre si PDuts lang ang nagpatupad ng FOI Bill yehey! – – pero para lang masabi na itinataguyod niya ang press freedom, people’s right to information at transparency at accountability sa gobyerno.

FYI lang mga Ka-Publiko:

Imbes batas na sasakop sa lahat ng ahensya ng gobyerno, executive order lang ang level ng FOI ni PDuts – ibig sabihin, sa executive branch lang magagamit ang FOI, hindi sa Kongreso at hindi rin sa Korte Suprema.

Yun na nga, sa executive branch na nga lang ipinatutupad ang FOI, hanggang ngayon na patapos na ang termino niya, hindi inirereport ni PDuts ang kanyang Statement of Assets and Liabilities and Net Worth.

Ganundin ang tunay na estado ng kalusugan niya maski nanginginig-nginig na siyang maglakad at muntik masubsob at ipangtukod ang mukha sa plenary hall nung last SONA.

Dahil patuloy ang pagpatay at harassment sa media practitioners, for the first time in history, nagkaroon ng safety program at office para sa mga media sa Pilipinas ang NUJP.

First time na may nag-iisa ring scholarship program dati ang NUJP para sa mga anak ng pinatay na journalists, member man sila ng unyon o hindi, at kahit ilan man ang mga anak na nag-aaral.

Sa tulong yan ng International Federation of Journalists na affiliate ang NUJP, Norwegian Journalists’ Union, Australian Media Entertainment and Arts Alliance at International Media Support.

Dahil din sa walang tigil na pag-atake sa media, at hindi maikakailang maraming media men ang nato-trauma at nai-stress sa loob at labas ng newsrooms, for the first time din sa history ng media sa Pilipinas, naipatagos ng focused campaign ng NUJP sa journalists’ community at lalo na sa media owners, ang safety-first consciousness sa assignments ng mga reporter.

First time din sa kasaysayan ng Philippine journalism na binigyang pansin at tinutukan ang stress at trauma na parating nararanasan ng mga mamamahayag.

Sa unang pagkakataon, nagkaroon ng dedicated pool of journalist first responders o peer supporters ang Pilipinas para sa mga kasama sa trabaho na nakararanas ng trauma sa pag-cover ng mga gyera, bagyo tokhang operations ni PDuts at iba pang dangerous coverage.

Sa tulong naman yan ng Dart Center for Journalism and Trauma at ng International News Safety Institute.

Marami pang breakthrough na nagawa ang NUJP na nagkaron ng impact sa kapwa mamamahayag, media industry sa loob at labas ng bansa, sa ka-publiko at sa demokrasya.

Kaya hindi maiiwasan na ito lang ang samahan ng mga mamamahayag na pinaka-pinagkakatiwalaan, kinikilala at nirerespesto sa buong industriya at international journalists’ community.

Ang kasaysayan ng NUJP ay kasaysayan ng pamamahayag at mamamahayag sa Pilipinas sa post-martial law period na ito ng ating kasaysayan.

Sa patuloy na pag-oorganisa, pamumuno, pagbabantay at pakikipaglaban sa mga gustong mambalasubas sa Section 4, Article 3 Bill of Rights ng 1987 Philippine Constitution na nagtataguyod ng malayang pamamahayag, champion ang NUJP.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]