ANUMANG oras ngayong araw, ilalabas ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Bopard (LTFRB) tungkol sa hinihinging taas pasahe sa dyip.
Piso hanggang P5 ang inihirit ng mga transport groups na dagdag pasahe, o mula 12 hanggang P17 bawat unang apat na kilometro. Sa tingin ng mga eksperto, mataas ang P5 na hirit at mas malamang na ilagay sa dagdag na P1 o P2 sa pinal na desisyon.
Alam din maging nga mga drayber ng dyipni na makikinabang sa fare hike na dagdag pasanin sakaling maaprubahan ang kanilang petisyon.
Kung hanggang magkano ang itataas, yun ang kailangang ibalanse ayon sa mga transport leaders and stakepolders. Kailangang mabalanse nito ang iba pang salik gaya ng kasalukuyang kita kada araw at pagtaas ng mga pangunahing bilihin at gasolina.
Ayon naman sa grupong SUKI Network o Samahan at Ugnayan Ng Nagkakaisang mga Konsyumers, habang nauunawaan nila aniya ang pangangailangan ng mga tsuper na magtaas ng pamasahe, ito ay bunsod lamang ng kakulangan din talaga ng kita nila at kakulangan din ng subsidy sa kanila sa kabila ng sunod sunod na pagtaas ng presyo ng langis at kaakibat na bayarin.
Tanong nila, bakit ang solusyon sa taas pasahe ay ipinapapasan ng gobyerno sa balikat ng komyuter? Samantala, tumaas din daw ba ang kakayanan ng komyuter na magbayad sa itinaas na pasahe? Sa obserbasyon ng grupo, pare-parehong kulang sa kita ang komyuter at konsyumer, habang ang gobyerno, ay may kakulangan sa tamang polisiya at alokasyon ng pambansang pondo.
Alokasyon sa pambansang pondo. Yan ang mahigpit na pinaguusapan sa Kongreso bunsod ng confidential funds ng OVP.
Sa buong panahon na nag-aral ako tungkol sa mga polisiya sa gobyerno at batas, ang pagkakaalam ko at natatandaan ay may apat na sangay ng pamahalaan na maaring gumamit ng pondo at ipalagay bilang line item sa porma ng tinatawag nilang Augmentation. Ito ang ang opisina ng Ehekutibo, ang Sernado, ang Korte Suprema at mga Constitutional Commissions (Civil Service Commission, Commission on Elections at Commission on Audit).
Walang binanggit na Office of the Vice President.
Sa totoo lang kasi, ano ba ang function ng OVP? Sa ating Saligang Batas, wala itong lehitimong function kundi mag-abang na mabakante ang opisina ng Pangulo at maging tagapagmana. Maari lamang siyang magkaroon ng silbi kapag in-appoint siya sa Gabinete, gaya ng kasalukuyang VP na inilagay sa Kagawaran ng Edukasyon.
At dahil may function na bilang Kalihim ng Kagawarn ng edukasyon, totoong may mga gastusin ang kanyang opisina. Subalit mga gastusing dapat ay may kinalaman lang sa kagawaran na pinagsisilbihan.
Anumang pondo na hindi angkop para sa kagawaran ay dapat mapunta sa mas nangangailangang ahensya o sektor.
Isa na rito ang marginalized sector ng transport workers.
Kaya dapat taasan ang sahod, taasan ang subsidy o lawakan ang saklaw ng subsidy para sa mga marginalized groups na ito o ng kabuuang pamilyang Pilipino na binubuhay ng napakaraming informal workers, mga manggagawa sa kalahatan, mga tsuper at iba pang transport workers.
Sa long term, pakinggan ang panawagan for industrialization ng oil industry at itigil ang deregulasyon. Magpatupad ng price control batay sa mas pinalakas na local production both in agriculture and manufacturing industries.
Pinakamahalaga sa lahat, imbes na sa bawat polisiyang pinipirmahan ng mga burukrata ng pamahalaan ay interes ng negosyante at dayuhang mamumuhunan ang pinapaboran, panahon na upang ito ay iwaksi at pabor ang lokal na industriya at negosyante.
Hindi dapat mismong apektadong komyuters at konsyumers ang magpasan sa laylay na nilang mga balikat ang pasanin tuwing may dagdag singil sa presyo ng langis at pamasahe.
May mapagkukunan ang gobyerno kung tama ang alokasyon nito sa mga pondo na madali lang nahihingi ng mga pinapaborang government officials.