Executive assistant nangungupit ng campaign funds?

HINIMOK ng mga kaibigan ng isang kilalang pulitiko na ipa-audit ang kanyang executive assistant dahil sa hinala nilang kinukupit nito ang pondo sa kampanya ng kanyang amo.

Noong nakalipas kasi na buwan ng Pebrero ay naging sunud-sunod ang pagwithdraw ng dakilang alalay ng pondo sa isang malaking bangko sa Pasay City.

Sinabi ng aking spotter na hindi bababa sa P120 million ang nailabas na pondo ng nasabing executive assistant ng isang sikat na kandidato.

Sinasabing pondo sa kampanya ang nasabing pera na gagamitin sa pag-iikot sa mga lalawigan ng ating bidang pulitiko.

Kasama sa paggagamitan ng pondo ang mobilization fund at budget sa mga miyembro ng media para sa kanilang air fare at hotel expenses.

Pero laking gulat ng mga kaibigan ni Mr. Politician nang sabihin ng kanyang dakilang alalay na kinakapos na sila sa pondo.

Iyun din ang kanyang idinahilan kaya hindi sila nag-iimbita ng mga miyembro ng mainstream media dahil daw sa kakulangan ng pondo.

Ibang-iba rin ang luho ng pamumuhay ng nasabing alalay na palaging nasa business class kapag sumasakay sa eroplano.

Kapansin-pansin rin ayon sa aking spotter na laging kasama ng dakilang alalay ang kanyang girlfriend sa mga political sortie at lagi rin niyang isina-shopping sa mga five-star hotels.

Sinabi pa ng aking spotter na nagmukha lang tao ang nasabing alalay dahil sa mga perang nakukuha niya sa mayamang pulitiko.

Kikala ang mayaman at may abs na kandidato kaya di na kailangan ng clue dahil karugtong lagi ng pangalan nito ang EA na tinutukoy ko.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]