NAKUNTENTO na lamang sa kanyang mga comment sa social media ang isang dating mambabatas makaraang mabigong makakuha ng kliyente para sa darating na 2022 elections.
Sinabi ng aking spotter na hanggang ngayon pala ay hindi pa rin nawawala ang kayabangan ni Sir na nagpapakilala pa rin bilang isang mahusay na political operator.
Madalas niyang ibandera sa kanyang mga nilapitang kapwa pulitiko ang kanyang exploit noong 2010 elections kung saan marami sa kanyang mga tinulungang kandidato ang nanalo.
Pero nag-iba ang ihip ng hangin noong 2016 at 2019 elections dahil pati ang kanyang sarili ay hindi rin niya naipanalo.
Marami rin sa kanyang mga tinulungang kandidato ay sa kakungan pinulot kaya biglang nawala ang kinang ng kanyang pangalan bilang mahusay kunong campaign manager.
Sa dinami-dami ng kanyang mga kasama sa pulitika ay wala ring naka-alala sa kanya na kunin sa kanilang lineup ang ating bida dahil sa sobrang kayabangan nito noong siya ay nasa pwesto.
Naalala ko tuloy ang kwento ng isang kapwa niya mambabatas na nagsabing ang pakiramdam daw ni Sir ay siya ang pinakamahusay na senador sa kanyang panahon.
Ang kayabangan rin na iyun ang nagdala sa kanya sa kasalukuyang kundisyon na tila ay iniiwasan ng mga dating kasamahan sa pulitika.
At dahil wala nga siyang pinagkaka-abalahan sa kasalukuyan kaya naman naging libangan niya ang magkomento sa social media sa pag-asang may makakakilala pa sa kanya.
Galing sa kilalang political clan ang dating mambabatras pero sa mga nagdaang halalan ay naging matamlay ang kanilang dating sa publiko at ang dahilan nito ay ang kanilang kayabangan.
Hindi na kailangan ang clue lalo pa’t medyo matamis ang pangalan ng laos na pulitikong ito.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]