IPAGPAPATULOY ng International Criminal Court (ICC) ang gagawing imbestigasyon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa 13 iba pang akusado kaugnay ng madugong “war on drugs” ng nakaraang administrasyon.
Ito ay matapos ibasura ng Appeals Chamber ng ICC ang apela ng gobyernong Pilipinas na ipagpaliban ang pre-trial. Subalit ayon sa ICC, nabigong imbestigahan at kasuhan ang mga taong nasa mataas na pwesto na pasimuno ng “war on drugs.”
Dahil sa desisyon ng ICC, pinutol na rin nang tuluyan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang kahit na anong pakikipag-ugnayan sa ICC.
Hindi umubra sa ICC ang argumento ng Department of Justice (DOJ) at Solicitor General (SolGen) na hindi na tayo sakop ng ICC dahil kumalas na ang Pilipinas rito.
Nakalimutan na marahil nila na miyembro pa tayo ng ICC noong nahalal na pangulo si Duterte noong 2016. Naging epektibo ang ating pagkalas noong ika-17 ng Marso 2019. Ibig sabihin nito, “state party” pa tayo ng ICC hanggang Marso 16, 2019.
Maging ang Korte Suprema ay nagsabi na dapat ay makipagtulungan ang gobyerno sa ICC sa anumang “criminal proceedings” noong panahon na miyembro pa tayo ng ICC.
Hindi paglabag sa ating soberenya ang ginagawa ng ICC, ito ay dahil noong tayo ay pumirma sa Rome Statute, nakasaad sa Article 127 na kahit na nag-withdraw tayo sa ICC, kailangang makipag-ugnayan pa rin ang gobyerno hanggang sa mga panahong miyembro pa tayo.
Dahil sa sinabi ni Marcos Jr. na hindi na tayo makikipag-ugnayan sa ICC, may usap-usapan na tila iniwan sa ere ng administrasyon ni Marcos Jr si dating pangulong Duterte at iba pang akusado.
Makatutulong ba o makasasama sa mga akusado ang desisyon ni Pangulong Marcos, Jr na tuluyan nang putulin ang komunikasyon sa ICC?
Nawalan na nga ba ng kakampi si Duterte sa kasalukyang administrasyon?
Ang tanging payo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ay huwag pumunta sa mga bansang miyembro ng ICC para iwas aresto, sakaling lumabas ang warrant.
Tila lumiit ang mundong gagalawan ni Duterte.
At may bahid politika nga ba ang desisyon ng administrasyong Marcos?
May kinalaman kaya ito sa 2028 presidential elections?
Maugong ang usapan na tatakbo si Vice President Sara Duterte sa pagkapangulo sa 2028. Makakalaban niya si House Speaker Martin Romualdez na pinsan ng mga Marcos.
Pag lumabas ang warrant of arrest, at nakita ng ICC na may naging partisipasyon si VP Sara Duterte sa “war on drugs,” masasama kaya ito sa mga aarestuhin? Hindi ito makatutulong sa imahe ng bise presidente.
Mahaba pa ang proseso, marami pa ang mangyayari. Iba’t-ibang kuru-kuro ang lalabas.
Isa lang ang malinaw, kaabang-abang ang mala-teleseryeng yugto sa buhay ng mga akusado.