Ex-Justice Secretary Vitaliano Aguirre sasabak sa Comelec?

SA Pebrero o tatlong buwan bago ang May 2022 elections ay tatlong opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang nakatakdang magretiro.

Ito ay sina Comelec chairperson Sheriff Abas, at Commissioners Rowena Guanzon at Antonio Kho Jr.

Ang final say kung sino ang ipapalit sa mga ito ay syempre magmumula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Krusyal ang pagpili sa mga susunod na opisyal ng Comelec dahil kaagad silang sasabak sa national at local elections sa darating na Mayo.

Kung baga sa bagong empleyado ay isasalang kaagad sila sa mabigat na tungkulin sa kanilang bagong pwesto.

Ngayon pa lamang ay may ilang mga pangalan na ang lumulutang na pwedeng ipalit sa nasabing mga opisyal.

Pero sa dami ng mga ito ay iisa lang ang nagmarka sa aking tenga nang marinig ko ang pangalan ng isang opisyal ng National Police Commission (Napolcom) na umano’y mabibigyan ng posisyon sa Comelec.

Hindi ko alam kung chairman o commissioner ang magiging posisyon ng opisyal na ito pero ngayon pa lang ay sinasabi ko na na magiging kontrobersyal ang appointment niya sa poll body kung sakali.

Makailang beses nang nasangkot sa kontrobersiya ang bida sa ating kwento ngayong araw na naging dahilan kung bakit siya inalis sa Gabinete ng pamahalaang Duterte.

Nasangkot sa isyu ng katiwalian ang ilan sa kanyang mga dating tauhan na kasama sa
fraternity at pati ang opisyal na ito ay inimbestigahan din ng Senado.

Pero hindi nagtagal ay muli siyang nabigyan ng posisyon sa Napolcom. Ang tinutukoy ko na posibleng mabigyan ng pwesto sa Comelec ayon na rin sa ilan sa aking mga spotter ay si dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre.

Pero hindi masabi ng aking mga source kung chairman ba o pagiging commissioner ng Comelec ang magiging bagong pwesto sa gobyerno ng mamang ito.

Ngayon pa lang marami na ang nagtatanong habang nakataas ang mga kilay….Wala na bang iba?


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]