PATONG-PATONG na kaso ng katiwalian ang nakatakdang isampa laban sa isang opisyal ng pamahalaan na nagbitiw sa kanyang pwesto.
Sinabi ng aking cricket na iniipon na ng mga dating kasamahan nang nagbitiw na “undersecretary” ang mga reklamo mula sa ilang grupo ng mga negosyante at ilang indibidwal.
Naging raket umano ng nasabing dating opisyal ang paggamit sa pangalan ng mga matataas na opisyal ng gobyerno para makahikayat na magbigay sa kanya ng pera.
Kapalit nito ang ilang proyekto sa pamahalaan kahit na iyung wala namang kinalaman sa departemento na kanyang dating kinaaaniban.
Ipinagmamalaki ng nagbitiw na opisyal na malakas daw siya sa administrasyon kaya walang problema kapag siya ang lumakad sa mga transaksyon ng sinumang negosyante na gustong makakuha ng proyekto sa pamahalaan.
Kabilang na dito ang ilang infra projects pati na ang pagtatayo ng offshore gaming ay niraket ng nasabing opisyal.
Sinabi pa ng aking cricket na nakapwesto sa gobyerno si Sir dahil sa pagpapakilala nito na malapit siyang kaanak ng isang kilalang pulitiko bagay na itinanggi naman ng ilan sa aking mga nakausap.
Mismong ang cabinet secretary na dating boss ng ating bida ang nag-utos sa kanya na mag-resign na lamang sa trabaho kesa sibakin.
Pero lingid sa kanyang kaalaman na hindi sa pagre-resign niya matatapos ang problema dahil sasampahan rin siya ng sangkatutak na mga kaso.
Bukod sa milyong pisong halaga ng salapi ay mayroon rin umanong nabola ang dating opisyal na isang kilalang negosyante na nagbigay pa sa kanya ng isang mamahaling sports car.
Pero dahil mautak ang dating opisyal ay hindi niya ito ipina-reshistro sa kanyang pangalan.
Kilalang abogado sa isang sikat na lungsod sa bansa ang tinutukoy nating nagbitiw na opisyal na minsan na ring napaulat na muntik masampal ng matapang na alkalde sa kanilang lugar.
Ang nagbitiw na dating opisyal na sasampahan ng sangkatutak na kaso ng katiwalian ay si Mr. L…as in Lawyer.