ANG laki ng ibinagsak ng pangangatawan ng isang dating mataas na opisyal ng pamahalaan.
Noong nasa pwesto pa ang ating bida ay pwede siyang gawing kontra bida sa pelikula dahil sa kanyang dambuhalang pangangatawan.
Pero ilang buwan bago siya bumaba sa posisyon ay labas-pasok na siya sa ospital.
Sinabi ng aking spotter na may sakit sa kidney si dating government official.
Idagdag pa dito ang kanyang diabetes na nagpalala sa kanyang sitwasyon.
May balita rin na pati mga gambling lord ay hinihingan na niya ng tulong para sa mahal niyang hospital bills.
Kilala ang dating opisyal na ito na mahilig sa social media.
Ika eh konting kibot lang ay nakapost agad sa kanyang FB multiple accounts.
Hilig niyang ipakita na busy siya sa kanyang trabaho gayung sa totoo lang ay nakatunganga lang naman siya sa kanyang opisina at kung minsan ay sa lobby ng mga hotel.
Minsan rin niyang inasinta ang mataas na pwesto sa Philippine Charity Sweepstakes Office pero dahil alam ng dating administrasyon na hindi ito pagkakatiwalaan sa pera ay inilagay na lang siya sa mas mababang posisyon sa isang tanggapan sa Central Luzon.
Nang magkalat siya sa pwesto dahil hindi naman niya alam kung paano pangasiwaan iyun ay inilipat naman siya bilang alalay ng isang Cabinet member.
Di na kailangan ang clue dahil siya lang naman ang feeling gwapo na dating opisyal na medyo nangangayayat na sa kanyang mga recent post sa social media.
Ang dati niyang tanggapan ay nasa gilid lang ng EDSA.