NAGULAT ako nang makita ko sa social media ang larawan ng isang matikas pero pabida at pabibong dating opisyal ng Duterte administration.
Halos hindi ko siya nakilala dahil ibang-iba na ang kanyang tindig at ang laki rin nang ibinagsak ng kanyang kalusugan.
Nagtanong ako sa ilang malapit sa dating opisyal at kanilang sinabi na may sakit na cancer nga raw ito.
Dati ko na ring narinig ang balitang ito pero hindi ko agad pinaniwalaan dahil maayos naman ang mga larawan na inilalagay ng dating opisyal sa kanyang sangkatutak na social media pages. Nung bilangin ko nga ay umaabot sa lima ang kanyang Facebook account at dinaig pa ang ilang adik sa FB dahil sa dalas niyang pag-update sa kanyang feed.
Pero kalaunan ay nalaman ko na nga na pawang mga luma na pala ang mga pictures na iyun na kuha sa mga pinupuntahan niyang lugar nung siya ay nasa gobyerno pa. Hindi naman Cabinet secretary ang kanyang pwesto pero sumikat ang malaking mama na ito dahil sa pagsakay niya sa ilang mga malalaking balita.
Kamakailan ay dinalaw niya sa Davao City ang dating pangulo at sinabi ng aking spotter na pati si Digong ay nagulat sa itsura ng dating tauhan. Halos makalbo na ito at naglabasan ang mga kulubot sa mukha, leeg at katawan.
Noon pa man ay madalas kong sabihin na hindi na baleng sakto lang ang laman ng bulsa, ang importante ay wala tayong sakit.
Sa dami ng problemang nakapaligid sa atin sa araw-araw, minsan ay napapabayaan na natin ang ating kalusugan.
Silent killer ang stress dahil pinahihina nito ang ating immune system na siyang dahilan ng ibat’t ibang uri ng sakit.
Sa totoo lang ay wake-up call sa ating lahat ang sinapit ng dating opisyal na ito na kahit gaano tayo ka-busy sa trabaho o negosyo ay pakinggan rin natin ang ating katawan lalo na kung humihingi na ito ng time-out o pahinga.
Ang dating opisyal na sana ay makarekober agad mula sa kanyang karamdaman ay si Mr. M….as in Macho na may dating opisina sa kahabaan ng Edsa.