PUMIKIT sandali saka muling dumilat.Walang nagbago.
Malabo pa rin. Sing-itim ng burak ang tubig. Nakasusulasok ang amoy, kahit walang lumulutang na basura sa estero.
Nagduda tuloy ako. Hindi ako sigurado kung ‘yun nga ba ang lugar na pinupuntahan namin noon, 53 taon na ang nakararaan?Tubig ba ang malabo, o ang mga alaala? Nagduda tuloy ako sa aking memorya.
Sa totoo lang, minsan nagulat ang nanay ko nang matuklasan ang aking 2-anyos na memorya.
Para iyong panaginip, o parang sine na sa isang iglap ay biglang lumilitaw sa isip. Kapag ikinuwento ko, sasabihin ng nanay, “Dos años ka pa lang no’n, paano mo naalala ‘yun?”
At lalo siyang mahihindik kapag naaalala ko pati ang kulay ng damit. Itsura ng tao, ng buhok, ng mata…
Kaya nang hindi ko na maapuhap ang tulay na gawa sa kahoy, parang naligaw na rin ang aking alaala. Malalaking kahoy iyon na tila inilubog sa alkitran, kaya nagkulay itim saka ginawang daluyan ng mga tao at sasakyan. Malayong-malayo sa konkretong tulay ngayon. May pinturang puti, na pagkalinis-linis tingnan.
Tulay na kahoy lang ang maitim noon, pero ang tubig ay napakalinis at napakalinaw. Nang pumuti ang tulay, umitim at nag-amoy burak ang tubig sa estero.
Kabalintunaan ng buhay, ‘ika nga.
Magkagayon man, hindi ko pa rin malilimot ang Barrio Magsaysay, Paraiso, matadero, at Don Bosco. Ang mga lugar na naaalala sa Tondo. Puwedeng hindi na matunton ang mga eksaktong lugar kung saan nakatayo noon ang aming bahay, pero hangga’t hindi nagbabago ang mga pangalan, tiyak na kaya pang puntahan.
Maraming alaala, minsan bigla na lang bumubulaga sa isip. Isang nanay, kasama ang dalawang anak na babae, 5 at 2 anyos, pinaliliguan sa ilog (iyon ang Estero de Vitas).
Malinis, malinaw, at malamig ang tubig ng ilog. Wala pang shampoo noong araw, gamit ang isang tabong kulay green, gawa mula sa basyo ng Caltex, bubuhusan ng nanay ng tubig na sinalok, ang ulo ng 2-anyos na anak. Paupong kakargahin saka ihihiga nang bahagya para sabunin ang buhok. Kukuskusin ng batong panghilod ang likod, saka pupunasan ng bimpo. Kung ano ang sabon, ganoon din ang shampoo. Pagkatapos, isusunod ang anak na babaeng 5-anyos. Pagkatapos maligo, doon na rin kukusutin ang mga damit.
Habang nagkukusot ng damit ang nanay, ang dalawang bata’y puwedeng maglunoy sa bahaging mababaw ang tubig. May kinakapitan na malaking batong nakasusugat kapag naidiin ang palad.
May dalawa o tatlong bangka ng mga mangingisda na nanghuhuli ng tulya, biya, at talangka. Minsan mayroong tahong, alamang, at tatampal. Paboritong iluto ng nanay ang tulya at biya. Pero kapag may ayungin (hindi pa pinapansin noon), tiyak iyon na ang bibilhin.
Maya-maya pa, magdaratingan na ang mga mamimili. Dumarami na ang mga tao kaya bago tuluyang tumirik ang araw, aahon na sa tulay na kahoy.
Uuwi nang nakangiti ang mag-iina, may dalang biya, tulya, at alamang o kung minsan nga ay ayungin. Maglalakad pabalik sa Barrio Magsaysay para magsalo sa payak na tanghalian.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]