KAHIT saan tingnang anggulo, malinaw na isang uri o porma ng early campaigning o maagang pangangampanya ang ginagawa ng mga epal na pulitiko para maisulong lang ang kanilang kandidatura at masiguro ang panalo sa darating na halalan.
Tulad ni Congresswoman Camille Villar, tatakbong senador, “epal to the max” na rin ang dating dahil halos pagmumukha na lamang niya ang makikita sa mga nakasabit na tarpaulin sa mga probinsya ng Ifugao, Quezon at ilang lugar sa Mindanao.
Kung tutuusin, hindi lang naman si Camille ang epal kundi pati sina Sen. Imee Marcos, Sen. Bong Revilla at Senator Bong Go, mga sikat at kilalang senador pagdating sa pagpapakalat ng tarpaulin kapag nalalapit na ang eleskyon.
Kung matatandaan, nitong nakaraang Semana Santa, tinadtad din ni Camille ang kahabaan ng EDSA ng kanyang tarpaulin na may mababasang… “Ingat sa Biyahe.” Ang masakit nito, mas malaki pa ang photo ng mukha ni Camille na nasa tarpaulin kaysa sa kanyang mensahe sa mga motorista.
Sya nga pala, kaylan pa ba naging opisyal si Camille ng LTFRB, MMDA, LTO at DOTR?
Hindi rin pahuhuli sa mga pagbati si Camille tulad ng kanyang ginawang pagbibigay pugay sa Olympic champion na si Carlo Yulo na nakakuha ng dalawang gold medals at bronze medalists na sina Aira Villegas at Nesthy Petecio.
At wala rin kapaguran si Camille sa pagdalo sa mga flag raising ceremony, kasalang bayan, fun run, birthday celebration, graduation, fiesta at festival, at iba’t iba pang uri ng okasyon at pagdiriwang.
Pati ang pamamahagi ng TUPAD at AICS ay naroroon at present din si Camille kahit hindi naman dapat na pumapel pa ang mga pulitiko dahil sa gawain na ito ng mga kinatawan ng DOLE at DSWD.
Patuloy rin na makikita sa primetime ng television news program ang political ads ni Camille.
Pero laging meron palusot ang mga epal na pulitiko sa akusasyong early campaigning dahil sa katuwirang hindi pa sila nagsusumite ng certificate of candidacy at hindi pa rin daw umiiral ang campaign period kaya wala silang nilalabag.
Kaya nga, nasa taumbayan pa rin kung paniniwalaan nila ang patuloy na pambobola ng mga epal na pulitiko at kung nararapat bang ihalal sa darating na halalan sa 2025.
Paalala na rin pala kay Camille, walang puwang na maaagaw o makukuha mo ang titulong “epal queen” dahil matagal nang nakakontrata yan kay Imee Marcos.