Enrile nag-viral

FOR all I know sa dami ng mga tsismoso at tsismosa sa Pilipinas, alam nyo na kung ano ang nag-viral – pumanaw na raw si Juan Ponce Enrile.

Pero sa mga lumabas na balita, sinabi ng anak na nasa ospital nga si Johnny at kritikal na rin ang kondisyon.

For whatever reason, importante pa rin ang respeto sa taong nakasilip na sa twilight hours. Wag po natin pangunahan, maghunus-dili po kayo.

Alam n’yo po, ganu man siya kasama, marami pa rin siyang nagawang mabuti para sa pamilya n’ya.

Nagawa ng lolo n’yo na magpa-ambush-Me, September 22, 1972 para gawing dahilan ng namatay na diktador at kamag-anak na si Marcos Sr. na magdeklara noon ng martial law.  

Sa post ni Atty Jesus Falcis sa X (dating Twitter), 11/11, inalala naman niya ang mga nagawa ni Enrile – nagawa niyang maging implementor ng pinakamadugo at karumal-dumal na human rights violations sa kasaysayan nung martial law kasama ni FVR sa utos ni Marcos.

Nagawa rin niyang maging presidente ng Philippine Coconut Authority at kontrolin ang koprahan sa bansa; nagawa niyang pangunahan ang logging industry kaya nagawa niyang mapakalbo ang maraming kagubatan sa Ilocos region.

Nagawa ni Enrile na maging may-ari ng maraming logging companies kasama na ang Ameco, Dolores Timber, San Jose Timbre na merong 95, 777 hectares na concession ng libo-libong puno.

Nagawa niyang magpamudmod ng certificates at permits sa logging companies at kontrolin ang logging industry bilang Minister of National Defense noong panahon ng diktadurya.

Impeyrnes, nagawa rin ni Enrile na magpamudmod ng Christmas gifts noong 2013 sa mga umaalyado sa kanya gamit ang pondo ng bayan.

Nagawa niyang waldasin ang P172 million pera ng bayan gamit ang Priority Development Assistance Fund (PDAF- lolo ito ng budget insertion na gatasan ng kasabwat si Gigi Reyes).

Ang siste, nagawa pa rin niyang takasan ang Plunder case na ito,  dahil nito lang October 24, 2025, nang ma-acquit sila ni Gigi ng Sandiganbayan sa kaso  (for sure gamit ang posisyon under Marcos Jr.);

Very “what are we in power for” ang dating di ba.

Higit sa lahat, nagawa niyang bumaliktad sa diktador at sumama sa nag-people power, takasan ang mga kasalanan sa bayan.

Tapos, nagawa pa niyang maging Cabinet member at senador at ngayon, ay magiting na chief presidential legal adviser ni Marcos Jr.

Nagawa niyang mag-ambisyong maging presidente at pabagsakin pero nabigo,  ang gobyerno ni Cory,  sa “God Save The Queen” plot kasama ang RAM, dahil may mga komunista raw sa gabinete, November 1986;  

Pero saglit lang na nakulong noong 1990 dahil sa madugong December 1989 epic fail na coup attempt at nagawa niyang makalaya at namayagpag ulit sa kapangyarihan.

Salamat sa taumbayan na nagluklok kay Marcos Jr kaya nailuklok siya sa poder.