ALAM n’yo bang may ilang moons, dwarf planets at planeta ang mainit na pinag-aralan ng mga scientist ngayon dahil posibleng may ingredients para mabuhay ang anumang alien life forms doon?
No, hindi naman necessarily Extra-Terrestial Intelligence o ETI, tulad ng kakaibang nilalang sa ibang mundo kundi ang presence ng susing elements para masabing habitable ang isang celestial body like, para sa microorganisms.
Di pa kasi ganun kalaganap ang resulta ng higit isang dekadang pag-aaral na ginawa ng mga scientist at researchers sa isang celestial body na potentially may have harbored or is actually, harboring life kaya gusto kong ikwento.
Katunayan, nagpadala na, at magpapadala pa ng space at robotic misssions ang researchers at scientists mula sa iba-ibang disciplines ng maraming bansa sa ilang celestial bodies para saliksikin kung may nabubuhay na alien creature.
Iniimbestigahan nila kung merong basic biological elements na pwedeng mag-host ng exterrestial life sa half-frozen moons na Europa (Jupiter) at Enceladus (Saturn), sa ilalim ng subsurface na tubig alat ng Ganymede -largest moon ng Jupiter, sa ilalim ng methane at ethane na ilog ng Titan na pinakamalaking buwan ng Saturn, at hinihinalang tubig sa ilalim ng icy surface ng Triton, buwan ng Neptune.
Sinususpetsa ring may nabubuhay sa brines o tubig alat na matatagpuan sa pinakamalalalim na craters ng dwarf planets Pluto at Ceres.
Planet of interest din ang Mars na base sa radar observations ay may clues ng reservoirs ng liquid water na mga dalawa o higit pang kilometers sa kailaliman nito.
Ganyan ang kondisyon sa ilalim ng ating mundo nang may nadiskubreng nabubuhay na bacteria, kaya posible rin yan sa Red Planet.
Tandaan natin na billions of years back, habitable ang Mars dahil may sapat na atmosphere, lakes at rivers ng liquid water sa surface.
Yan at dagdag pang ebidensya ng ancient life ang binubusisi ngayon ng Perseverance Rover na naglalamyerda sa Mars ngayon.
Kasama ng Rover ang Ingenuity helicopter na first aircraft na na-achieve ang powered at controlled flight outside ng ating mundo.
Technology test flight ito given ang thin atmosphere sa Mars na challenging mag-lift at lumipad-lipad doon.
Lahat ng celestial objects na yan ay nadiskubreng may presence ng iba-ibang ingredients to support life, pinaka-evident sa kanila ang traces o abundance ng water sa iba-ibang forms nito – ice man o liquid water o geysers o ancient evidence ng mga element na yan.
Habang lumalaki ang posibilidad na merong alien life forms sa ibang celestial bodies, mas lalong nakaka-excite at the same time, mas lalong nakakakaba. Kahit microorganisms meron dyan, ano kaya itsura?
Yan ang naramdaman ko nang ianunsyo ng International Team ng Scientists nitong June na sagana sa phosphorous ang nadiskubre sa mayelong buwan ng Saturn – ang Enceladus. Nadiskubre ito in salt form – phosphate.
Kinumpleto kasi ng presence ng phosphorous ang anim na biological elements na kailangan para mabuhay sa celestial bodies – ang CHNOPS, acronym for Carbon, Hydrogen, Nitrogen, Oxygen, Phosphorous at Sulfur.
Although may iba pang elements ang nakakapag-support ng life, sila ay trace elements o maliit na porsyento lamang.
Ang basehan ng mga scientist ay data na kinolekta ng Cassini spacecraft sa nagdaang 13 taong exploration sa Saturn, sa rings at mga buwan nito mula 2004 hanggang 2017.
Ang Cassini na dinisenyo at ginawa ng Jet Propulsion Laboratory (JPL) ng National Aeronautics Space Administration o NASA, ang unang spacecraft na umorbit sa Saturn.
Sa mga interesadong magpakadalubhasa (lol!) sa topic na ito, mababasa ang buong resulta ng pag-aaral ng Enceladus moon ng team na pinamunuan ng Germany, sa Nature Science Magazine.
Nauna nang nireport ng team na ang butil ng mga yelo ng Enceladus ay mayaman sa minerals at complex organic compounds at kinakailangang elements para lumikha ng amino acids, mga building block ng buhay.
Sabi ng planetary scientist ng Free University sa Berlin at lead writer ng report na ai Frank Postberg, “ito ang unang beses na natagpuan ang importanteng elemento sa dagat sa labas ng Earth.”
Mahalaga ang Phosphorous sa DNA dahil nutrient ito na nagbibigay ng energy sa mga organism, sa pagbubuo ng genetic material at composition ng cell membranes, mga buto at ngipin.
Kung merong water cycle, meron ding phosphorous cycle.
Kahit pa masabaw ang mundo sa tubig at nasisilayan ng liwanag ng araw, ang paglago at pagiging mabunga ng ecosystem para sa mga pagkain ng tao at hayop ay nakadepende sa dami ng phosphorous.
Ginagamit kasing ingredient sa fertilizer o pataba ang phosphorous para palusugin ang lupa para sa palayan, gulay at prutas.
Sangkap din ang phosphate sa paggawa ng detergents na nasa mixture ng Pentasodium Triphosphate (PSTP) at 5 percent ng phosphate na namimina sa buong mundo ay ginagamit sa detergents.
2005 unang napansin ng Cassini ang hindi inaasahang phenomenon sa Saturn moon na ito – fine water mist na ini-spray pataas sa space mula sa cracks ng Enceladus na nababalutan ng yelo, para siyang higanteng fountain na umaabot sa bilis na 1,290 kilometers per hour ang buga.
Hindi pa agad nakakuha ng sample ang Cassini nang maispatan yan hanggang minsan, sinukat ng spacecraft ang tubig alat na nasa mga butil ng yelo na sumisirit mula sa geysers sa southern part ng buwan na parang volcanic eruption.
Ang ibang shower ng ice crystals ay napupunta sa outerspace habang ang iba ay bumabagsak sa surface ng Enceladus.
Ang tumitilapon na ice grains sa outer space ay napupunta at nagiging parte naman ng isang ring ng Saturn – yung tinatawag na E-Ring.
Paniwala ni Christopher Glein, planetary scientist sa Southwest Research Institute sa San Antonio, Texas at kasama sa research, may sapat na phosphorous to support life sa karagatan ng Enceladus.l
Kaya sa ngayon, masasabi ko na Enceladus ang number one candidate sa possible presence ng alien life forms na maaaring hindi kasing complex tulad ng tao, pero pwedeng kasing simple tulad ng microbes.
Ang hamon lang din sa sa tao ng alien microorganism ay kung delikado at mapamuksa ang mga yan kaya super sensitive laban sa contamination ang gamit na instruments at operational protocols na ino-observe ng mga scientist na directly may close encounter sa celestial samples.
Wag lang sana kamukha ni Digong Duterte – hindi yung mukha ah, personal yan – kundi ang kakayahan – na pumatay o makapatay.