NAGSIMULA na ang filing of candidacy ng mga kakandidato para sa May 2025 elections.
Nagsimula na rin silang mangako.
Bagama’t hindi pa opisyal na nagsimula ang campaign period, kanya-kanya nang gimik ang gagawin ng mga kandidato para ligawan ang mga botante.
Sa unang araw ng filing of candidacy, makikita natin ang mga datihan nang politiko na tatakbong muli at mga baguhan na magbabakasali.
Karapat-dapat pa bang ibotong muli ang mga dati nang nagsilbi bilang mga senador, kongresista, gobernador, mayor, konsehal?
Baka panahon na para bigyan naman ng pagkakataon ang mga bagong tumatakbo. Malay natin, baka mas may maitutulong sila sa pagbabagong kailangang-kailangan natin sa larangan ng politika.
Nakakaumay na kasi pakinggan ang mga pangako ng mga politiko na paulit-ulit na nangangako na babaguhin nila ang sistema, pero tila wala namang nababago.
Bagkus, lumalala pa ang sitwasyon.
Para nga ba sa bayan ang alyansang binuo ng administrasyon o para sa pansariling kapakanan?
Dahil sa alyansang binuo, tanging ang salitang “bago” lang ang bago at puro lumang pangalan naman ang kasama.
Maraming magagaling na Pilipino na maaaring maging mambabatas.
Yung mga hindi magkakapareho ng last name. Yung halos buong miyembro ng pamilya na ang tatakbo sa isang probinsiya.
Hindi ito nakatutuwa.
Dinastiya.
Papayag ba tayong mga botante na kontrolado ng isang pamilya ang isang lugar? Ibig sabihin nito, kontrolado nila ang kaban ng kanilang lugar.
Tingnan natin ang mga lugar kung saan kontrolado ng isang pamilya ang local government positions. Malalaki ang bahay, maraming mamahaling sasakyan, napaliligiran ng sandamakmak na security personnel, at may takot ang kanilang constituents sa kanila.
Hindi ko na kailangan pang pangalanan kung sinu-sino ang mga ito. Kilala niyo rin sila.
Simula ngayon hanggang sa araw ng election, marami tayong maririnig na pangako. Ilan dito at tunay, at ilan naman dito ay mema lang.
Maging mapanuri. Tayo ang makapagpabago ng ating bayan. Tayong mga botante.