Duterte: Warrant of arrest?

BINIGYANG-KAPANGYARIHAN ng International Criminal Court si ICC Chief Prosecutor Karim Khan na imbestigahan ang libo-libong kaso ng crimes against humanity na ipinag-utos at ipinatupad umano ni Pangulong Duterte laban sa tinatayang 12,000 hanggang 30,000 sibilyan.

Ano na ngayon ang mangyayari?

Dahil walang lubay si Duterte sa pagpapahayag na di niya kinikilala at di siya makikipagtulungan sa ICC, lumalakas ang posibilidad na dudulog si Khan sa ICC upang ipaaresto si Duterte.

Lalo pa’t patuloy na inaatake ni Duterte ang imbestigasyon ng ICC.

Labag sa Rome Statute of the ICC ang di-makatarungang pagtanggi ni Duterte na makipagtulungan sa ICC. Obligasyon ng gobyernong makipagtulungan at suportahan ang ICC sa isinasagawang imbestigasyon. Niratipika at pinagtibay ng pamahalaan ang naturang tratado, kaya tungkulin ng gobyernong makipag-cooperate sa ICC.

Ebidensya

Bilang batikang imbestigador ng grave human rights violations, patuloy na mangangalap si Khan at ang ICC Office of the Prosecutor (OTP) ng mga katibayang magagamit sa paglilitis sa ICC, ang pandaigdigang hukumang nakabase sa The Hague, The Netherlands.

Lantad sa publiko ang mga katibayan at pahayag ni Duterte na nagpapakitang siya mismo ang nagpasimuno, nag-utos, nanawagan, at nag-udyok na patayin ang mga umano’y adik, pusher ng ipinagbabawal na gamot, at iba pang umano’y sangkot sa krimen. Binanggit ng Pre-Trial Chamber I ang mga pamatay na pahayag na ito ni Duterte sa desisyon nitong ilarga ni Khan ang preliminary investigation noong 15 Setyembre 2021.

Warrant of arrest

Batay sa ebidensiyang nagmula sa mismong bibig at mga pampublikong pahayag ni Duterte, lumilitaw, ayon sa ICC, na siya talaga ang promotor, utak, at tagasulsol ng malawakan at sistematikong pagpatay ng libo-libong sibilyan. Base sa katibayang ito, malamang na hilingin ni Khan sa ICC ang paglalabas ng warrant of arrest laban kay Duterte.

Pagbigyan kaya siya ng ICC?

Maaaring ipadakip ng ICC si Duterte base sa ebidensyang siya mismo ang nanawagan ng pagpatay ng mga sibilyan.

State policy ni Mayor/Pangulong Duterte

Batay sa desisyon ng ICC, malinaw na maging noong mayor pa lamang siya, nagpatupad na si Duterte ng state policy ng pagpatay ng mga sibilyan sa Davao gamit ang tinaguriang Davao Death Squad (DDS), na kinabibilangan ng mga pulis.

Lambada Boys ang tawag sa hitmen ni Duterte, ayon sa pahayag ni Edgar Matobato, dati umanong tirador ng DDS na kabilang sa ghost employees na buwan-buwan umanong pinapasahod ni Duterte mula sa payroll ng Davao.

Ipinatupad ni Duterte sa buong bansa ang kanyang state policy ng pagpapapatay ng mga sibilyan mula nang manalo at manungkulan siya bilang pangulo noong 2016, ayon din sa desisyon ng ICC.

Kailan, kung sakali, posibleng lumabas ang warrant?

Layunin ng paglalabas ng warrant of arrest ang paninigurong haharap si Duterte sa ICC upang managot sa imbestigasyon.

Minamarapat ng ICC ang paglalabas ng warrant of arrest upang di masansala, masabotahe, sirain, ipawalang-saysay, at ilagay sa peligro, panganib, at kapahamakan ni Duterte ang isinasagawang imbestigasyon ng ICC.

Maaari ring ipaaresto si Duterte ng ICC upang di na siya makagawa pa ng crimes against humanity.

Pagdidinig

Sa sandaling madakip at maisuko sa ICC si Duterte, maaari nang isagawa ang confirmation of charges hearing.

Ano ang mga habla?

Pinakatampok sa kasong crimes against humanity laban kay Duterte ang murder. Sa tantya ng OTP, papatak nang mula 12,000 hanggang 30,000 katao ang pinapatay umano ni Duterte mula 1 Hulyo 2016 hanggang 16 Marso 2019.

Binanggit din ng ICC ang torture and other inhumane acts bilang karagdagang anyo ng crimes against humanity na naganap sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.

Bukod dito, base sa panimulang pagsusuri ng OTP at sa representasyon ng mga biktima sa ICC, may iba pang anyo ng crimes against humanity na maaaring isampa laban kay Duterte at iba pang opisyal. Kabilang dito ang imprisonment or other severe deprivation of liberty, enforced disappearance, at sexual violence.

Kalaboso

Matapos ang pagsasagawa ng confirmation of charges hearing, magdedesisyon ang Pre-Trial Chamber I kung, batay sa ebidensya, nararapat ipagsakdal at litisin sa kasong crimes against humanity si Duterte.

Ipag-uutos lamang ng Pre-Trial Chamber I ang pagsasagawa ng trial kung malinaw sa mga ebidensyang nararapat idiretso sa trial ang kaso laban kay Duterte.

Saka lamang magkakaroon ng trial.

Bubuuin na ngayon ang ICC Trial Chamber na siyang maglilitis kay Duterte.

Habang isinasagawa ang confirmation of charges hearing at ang full-blown trial, ibibilanggo ng ICC si Duterte.

Ito ang pamamaraan ng ICC upang tiyaking haharap si Duterte sa isang parehas na paglilitis sa ICC Trial Chamber bilang akusadong kaaway ng sangkatauhan.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]