DESPERADO na si Senator Imee Marcos kung kayat ang lahat ng pambobola at gimik ay kanyang ginagawa para lang makuha ang suporta ng DDS at tuluyang makalusot sa darating na eleksyon sa Mayo.
Huling baraha ang imbestigasyong ipinatawag sa Senado ni Imee na ang tanging layunin ay makumbinsi at mapaniwala ang mga DDS na tunay ang kanyang pagmamahal at pagmamalasakit kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
At sa nalalabing mga araw ng kampanya, target ni Imee na makopo ang boto ng DDS kabilang ang suporta ng pamilyang Duterte na hanggang sa ngayon ay marami pa ring mga kaalyado sa Visayas at Mindanao.
Pero palpak ang diskarte ni Imee!
Sa halip na makakuha ng suporta, kabaliktaran ang nangyayari dahil maraming DDS ang galit na galit ngayon sa kanya matapos na masilip ang mga palundag at drama ng senadora.
Mismong si Vice President Sara Duterte ay walang tiwala kay Imee. Ang sinasabi niyang ‘best friend’ ay hindi binasbasan ang kanyang kandidatura at sa halip ang 10 senatorial candidates ng PDP-Laban ang binigyan ng endorsement ni Sara.
Sabi pa ni dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo… “Ang problema sa babaeng yan, gustong kumuha ng boto sa Duterte at gusto rin kumuha sa boto ni Bongbong. Namamangka sa dalawang ilog!”
Pati si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay napikon na rin sa kakulitan ng kanyang nakatatandang kapatid na si Imee. Mukhang hindi na nakapagpigil si Bongbong at tuluyan nang ‘sinipa’ ang senadora sa lineup ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Kung tutuusin, matagal nang pinagpapasensyahan ni Bongbong si Imee, at ang walang tigil nitong kababatikos sa kanyang gobyerno lalu na ang ginawang pagpapatawag ng Senate investigation ay kalabisan na para hindi palagan at upakan ang senadora.
‘Bumingo’ na si Imee at hindi na maaaring palagpasin ang ginagawang pambubulabog ng senadora sa kanyang sariling kapatid. At asahan ni Imee na ang makinarya at impluwensya ng administrasyon ni Bongbong ay malalasap niya sa araw mismo ng eleksyon.
Sabi nga, laglag na sa administrasyon ni Bongbong, tablado pa sa kampo ni Digong. Babu Imee!