MAKE OR BREAK kay Duterte ang darating na May 2022 elections: Importanteng manalo ang Marcos Jr- Sara Duterte tandem o kahit sino wag lang si Leni Robredo para may dumepensa sa paglilitis sa kanya sa crimes against humanity sa International Criminal Court.
Bukod pa riyan ang mapanatili sa pwesto ang kanilang angkan at mapagsilbihan pa ang China at US.
Lahat ng paraan ginagawa niya para ma-deliver ang boto sa mga kakampi niya, syempre mate-trace yan sa galawan ng minions niya.
Ang nanalong national delivery man ng COMELEC sa May 9, 2022 polls na may kabuuang rider’s fee na P536M sa pinirmahang kontrata noong October 29, 2021 ay ang F2 Logistics na si Duterte Crony Dennis Uy ang Chairman at isa sa sinasabing incorporator ay si Executive Secretary Salvador Medialdea.
Sinasabing wala sa F2 Logistics si Dennis Uy. Pero ang CEO na si Efren Uy ay business partner ni Dennis Uy. Higit sa lahat – campaign donor ni Duterte si Efren Uy na nagbigay ng P3.2M noong 2016 elections.
Never forget din na isa sa delivery services bidder ng COMELEC ang 2Go Express ni Dennis Uy. June 3, 2021 nang bitiwan daw ni Uy ang pagmamay-ari nito at ibinenta sa SM Investments. Pambayad daw nila ito sa utang ni Dennis Uy sa US$220M sa Bank of China noong 2017.
Ayon sa Vera Files, yan ang perang ginamit ni Dennis Uy para makuha ang majority stake sa 2Go Express.
O, connect the dots na kayo: May stakes ang China sa elections sa Pilipinas. Dinevelop nila itong interes sa panahon ni PDuts.
Balik tayo sa F2 Logistics.
Ano naman ang idedeliver?
Walang iba kundi ballots, vote-counting machines (VCMs) at iba pang election paraphernalia lang naman na gagamitin ng COMELEC sa buong Pilipinas.
Mapapansin din na mas binaboy ang Party-List system sa panunungkulan ni Duterte.
Malinaw naman sa 1995 na batas sa Party-List na target nitong bigyan ng boses sa landlord, business at ulupong-dominated congress ang marginalized at under-represented na mga kababayan. Sila yung manggagawa, magsasaka, kabataab, indigenous people, mangingisda, driver, etcetera.
Ewan ko ba naman kung bakit nung 2013, pinalawig ng Supreme Court ang mga pwedeng mag-party-party, este, mag-party-list.
Lumalabas sa SC ruling na hindi na kailangang i-represent ng party-lists ang marginalized at underrepresented bastat malinaw ang advocacy e okay na.
Noong July 29, 2016 at June 12, 2019, binanatan ni PDuts ang party-list system na kademonyohan at inabuso ng mga mayayaman. Wow, big words.
Patatanggal daw ito ni PDuts, pero kung ang mga nangyayari ngayon ang pag-aaralan, chinacharot lang pala tayo at lumalabas talaga na siya talaga ang damunyo.
Kunwari nga dinisqualify ang Malasakit Party-List (e dapat lang), pero qualified ang MOCHA (Mothers for Change), Agimat ng Masa, Duterte Youth, Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support, Inc. (ACT-CIS) at iba pang kaduda-dudang nominees.
Tapos dinisqualify ang legit na Nurses United na kumpleto ang detalye at requirements na ipinasa sa COMELEC.
Kung meron mang mas nakakatakot na mangyayari na pabor kay PDuts ay magtatapos na ang termino ni COMELEC commissioner Rowena Guanzon na PNoy-appointee.
Except for Guanzon, lahat ay Duterte appointees maski ang dalawang commissioners na
kasama ni Guanzon na nagreretiro ngayong Pebrero na sina Comelec Chair Sheriff Abas at Commissioner Antonio Kho Jr.
Si Guanzon ang humahawak ng tatlong disqualification cases laban kay Marcos Jr.
Kilala si Guanzon na matapang na commissioner at mahilig manopla ng mga wala sa ayos.
Pag nawala ang tatlo, papalitan lang sila hanggang lahat ng commissioners ay appointed ni PDuts.
Tama naman si COMELEC
Spokesman James Jimenez na sa panahon ng yumaong si PNoy, appointees din niya ang lahat ng COMELEC commissioners. Pattern kasi ni PDuts na mag-appoint ng kapwa niya taga-Davao at fraternity brod sa San Beda Law – ang Lex Talionis.
Apat ay taga-Davao at dalawa ay frat brod niya. Paki-Google na lang kung sino-sino. Lol!
Pero sa akin, may mas malaking issue kung sino ang nag-appoint at hindi yung parehong appointees lahat nina PNoy at PDuts ang commissioners.
Totoo namang haciendero na kontra magsasaka noon sina PNoy pero may pagkilala sa demokrasya.
Pero itong si PDuts, bulgar ang kartada o latag ng baraha – kontra-demokrasya, mapanupil at berdugong presidente.
Paniwala ko rin – bilang strategy, ikinalat nila ang buong Duterte camp para hatiin ang boto ni Robredo: Pacquiao, Yorme, Lacson at Marcos Jr – Inday Sara.
Very Duterte Polls ang hilatsa ng darating na political contest.
Ang darating na May 2022 elections ay decisive sa estado ng mga karapatang pantao, demokrasya, malayang pamamahayag, West Philippine Sea, contractualization, covid pandemic, at iba pang usaping pambansa.
Manindigan tayo para sa demokrariko, malaya at masaganang Pilipinas.