BAHAG-BUNTOT at labag sa Konstitusyong pagkalas ni Duterte sa Rome Statute of the International Criminal Court.
Ito naman, mga kaibigan, ang pag-usapan natin.
Sa ganang akin, kuwestiyonable ang bisa at constitutionality ng pagtalikod ni Duterte sa Rome Statute noong Marso 17, 2018.
Wala itong basbas ng ating Senado.
Di ordinaryong usaping panlabas o foreign affairs ang nakasalang sa nahintakutang pag-atras ni Duterte mula sa Rome Statute.
’Pagkat di ito simpleng isyu ng pakikipag-ugnayang pangkalakalan o kaya’y pakikipag-kaibigan lamang sa ibang bansa.
Bagkus, pinananagot at pinarurusahan ng Rome Statute ang mga makapangyarihan sa gobyernong gumagawa ng core crimes, o ng pinakamabangis at pinakamalupit na krimeng kinokondena ng buong daigdig.
Kabilang sa ganitong krimen ang malawakan at sistematikong pagpatay ng mga mamamayan – alinsunod sa atas o state policy ng pag-atake sa mga sibilyan ng alinmang estado o organisasyon. Halimbawa nito ang pamamaslang ng tinatayang 12,000 hanggang 30,000 sibilyan na isinagawa umano nina Duterte sa ngalan ng kontra-maralitang “digmaang kontra-droga”.
Impunity
Layunin ng Rome Statute na wakasan ang impunity:
Ang kawalang-pananagutan at kawalang-kaparusahan ng mga makapangyarihan sa paggawa ng ganitong kahindik-hindik na krimeng isinusuka at itinatakwil ng mga sibilisadong bansa.
Nilalabag ng bahag-buntot na pagtakas ni Duterte mula sa Rome Statute ang ating Saligang-Batas.
Lalo pa’t pag-iwas-pusoy ang kanyang tangi’t makasariling layunin sa pagbuwelta mula sa tratadong lumikha ng ICC bilang kauna-unahan, permanente, independiyente, at pandaigdigang hukumang pangkriminal.
Independiyente.
Nagsasarili.
Ibig sabihin, hindi nakapailalim maging sa United Nations ang ICC. Bagkus, tanging ang Assembly of States Parties (ASP) ang nangangasiwa sa ICC. Binubuo ang ASP ng 123 bansang sumang-ayon, nagpatibay, at rumatipika ng Rome Statute. Kabilang dito ang Australia, Canada, France, Germany, Japan, South Korea, Sweden, Switzerland, at United Kingdom. Ang kinatawan ng mga bansang yumakap sa Rome Statute ang siyang namamahala at nagsisilbing legislative body ng ICC.
Pandaigdigang korte ang ICC na siyang tagapaglitis ng war criminals at enemies of humanity.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, itinuturing nating bahagi ng ating sarili’t umiiral na batas ang pangkalahatang prinsipyo ng batas internasyonal na kinikilala at sinusunod ng mga sibilisadong bansa.
Di magagawa ng pangulong basta-basta na lamang isantabi o ibasura ang Rome Statute, batay sa sarili niyang hilig o kapritso.
Sa simula’t simula pa, dahil sinasalungat niya ang itinatadhana ng Saligang-Batas, walang bisa ang pagpihit ni Duterte mula sa Rome Statute. Void ab initio, wala itong bisa sa simula’t sapul, sa lengguwahe ng batas.
Salungat ang kanyang pagkaripas ng takbo sa nilalayon ng Rome Statute at komunidad ng mga bansa:
Katarungan para sa mga biktima ng sukdulang karahasan at kalupitan.
Tinitibag ng ICC ang moog ng impunity na nagtatakip kina Duterte.
Impunity na patuloy na pumoprotekta sa kanila laban sa anumang imbestigasyon, pagsasakdal, pang-uusig, paglilitis, at kaparusahan.
Dahil hawak nila ang kapangyarihan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]