DisUnity sa Easter

SA simula pa lang komedya at kaduda-duda na ang pinatawag na unity meeting sa Manila Peninsula sa Makati City nitong Linggo.

Sa isang balita, sinasabi raw ng source na si Manila Mayor Isko Moreno ang may pakana ng unity meeting.

Sa isa namang balita, ayon daw sa sources – dalawang kandidato ang nagplano ng press con.

Biglaan, hindi organisado, bara-bara.

Sabado ng 10:30 ng umaga nag-imbita ng media si Isko, si Ping naman bandang 11:30 am.

Ang mga imbitado o inaasahan na dadalo – yun lang gustong magkita at mag-usap, hahaha.

Mapapansin ding sila-sila ang mga nasa “laylayan” ng survey, hahaha.

Yorme, Ping Lacson, Noberto Gonzales, Manny Pacquiao, hay nako.

Inimbitahan din si Duterte ally at dating presidential spokesman Ernesto Abella pero di man sumipot.

Obvious hindi invited sina Robredo, Ka Leody de Guzman at Marcos Jr.

Teka, si Dr. cum Atty. Montemayor nga pala missing sa invitation.

Inimbita rin ang running mates na vice presidential aspirants.

Si Sen Tito Sotto nga, nagsabi na ang alam lang niya is dadalo ang five presidential candidates.

Nung nire-review ko ang mga balita noong Sabado April 16, kapansin-pansin na pati media pinadama ng organizer.

Paintriga nilang pinalulutang na may something Big na sasabihin sa Unity meeting at ang pinagkunan ng info ay sources ng mga media, para mag-stir ng interes sa mga tao.

Ayun – Big nga, Big Budol.

At nag-stir, pero hindi ng interes, kundi ng inis sa mga tao.

Malabo ang daloy ng usapan, walang malinaw na agenda at hanggang ngayon- wala namang unity na ipinakita.

Sa isang statement sinabi nila na nagkakaisa sila na walang aatras ng kandidatura. Yun na yun?

Ito’y dahil may gusto raw silang paatrasin sa laban.

So ba’t magpapa-press con pa?

E parati naman nilang sinasagot yan sa media.

Ano ang unity dun?

Hanggang matapos at mag-statement kinabukasan, hindi nagkakaintindihan ang mga nag-“unity” meeting.

Ang masama o maganda, naglaglagan ang mga kolokoy.

Nauna si Lacson, hindi raw siya nanawagan na mag-withdraw si Lola nyo.

Sumunod si Gonzales na nag-sorry kay Robredo.

At kahapon, Martes, si Pacman naman nagsabi na hindi siya sumusuporta sa panawagan na mag-withdraw si Robredo.

Sa isang TV interview kahapon Martes, disagree si vice presidential bet Willie Ong kay mismong presidential running mate niyang si Isko Moreno at hindi raw dapat mag-withdraw si Robredo sa race.

Sapul si Yorme, iniwan ng ka-“unity” meeting. Lahat dumistansya.

Sa mga nag-disunity meeting, si Lacson ang pinakatusong trapo.

Maoperasyon sa buhay. May sariling agenda. Naghahanap ba ng masisisi at makukuyog pag natalo?

Lumalabas – ginamit ni Yorme ang pagkakataon para banatan si Leni.

Pero ginamit din siya ng kuratong na unang dumistansya para damage control.

Isipin mo nga naman ang naging peg – tatlong itlog nagsama-sama at kinuyog ang isang babae, napaka-ungentlemanly naman nyan, ayaw yan ng kulturang Pinoy, nega ang boto riyan.

Pero ang nakakapagtaka, hindi nila tinira ang magnanakaw, sinungaling at duwag na si Marcos Jr.

Hindi ba mas logical, mas mabigat, mas malalim at mas may sense kung ang unity meeting ay tinarget ang sinasabing survey leader na si Marcos Jr.

Hindi ba’t mas tunay na makamasa at makabayan kung ang basehan ng kanilang unity ay itakwil at panagutin si Marcos Jr at pamilya sa kanilang mga panloloko, pagsisinungaling, pamamaslang at human rights violations.

Ang massive mobilizations para kay Leni ay nagbabasura sa mga survey.

At sino ba ang natatapyasan ng maraming supporters?

Ang organized supporters Lalo na nina Yorme at Lacson at naglilipatan na ng suporta kay Aling Leni.

Nung Marso, bumaklas ang Partido Reporma kay Lacson na napilitang magbitiw bilang chairman.

April 4, pumutok ang balita na ang Ikaw Muna (IM) Pilipinas Cebu Chapter ay kumalas kay Yorme.

Kahapon, ang Ulama coalition sa Zambasulta ay iniwan na rin si Isko kapalit nang mas matapat na leader na si VP Leni.

Habang papalapit ang eleksyon, magkakaroon ng realignment of forces, atrasan ng kandidatura at pagtawid sa mga kalaban.

Sa gitna ng pagkakawatak-watak at paghina nina Marcos at disunity team, steady ang pagdami, pagtatag at paglakas ng Kakampinks – na ang kulay ay gumagapang at ang amoy ay humahalimuyak patungong palasyo.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]