LUZON…VISAYAS…MINDA…gone na nga ba?
Mukhang may matinding pangangailangan ang dating Pangulong Rodrigo Duterte para imungkahi na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.
Kasama ni Duterte si Rep. Pantaleon Alvarez ng 1st District ng Davao del Norte sa mungkahing ihiwalay ang Mindanao.
Parang ang peg ng dalawang ito ay “you and me against the world.”
Patawa.
Simula nang iminungkahi ito ng dating pangulo, na sinigundahan naman ni Alvarez, wala pa ako narinig na umayon sa kanila mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Sa katunayan, lahat ng narinig ko ay tutol na ihiwalay ang Mindanao. Kahit na yung mga ordinaryong tao na aking nakasalamuha ay hindi ayon na ihiwalay ang Mindanao.
Bakit nga ba naisip ito ni Duterte?
Isa lang ang naiisip na sagot: politika.
May halong takot din kaya ang dahilan?
Ayon kay Rev. Fr. Ranhilio Aquino, Dean ng San Beda Graduate School, ang tinuran ni Duterte ay isang “madman’s outrage.”
Tinawag pa ni Fr. Aquino na isa itong kalokohan at “galing sa malalim na panaginip.”
Sa isang panayam, sinabi pa ni Fr. Aquino na walang nakasaad sa ating Constitution na maaaring gamitin ang People’s Initiative upang baguhin ang ating Saligang Batas.
Ani Aquino, “when you divide the country and a part of the country ay mahihiwalay sa bansa, that’s not amendment, that is a revision. Hindi lang anyo ng geography ng bansa ang binagabo mo, pati takbo ng pamahalaan.”
Kikilalanin kaya ang Minanao ng international community bilang bagong bansa? Malamang ay mahihirapan ang mga lider nito na makakuha ng international recognition.
Sinabi ni Duterte na matagal nang napapabayaan ang Mindanao. Ngunit may anim na taon siya para ipakita ang kanyang tunay na malasakit. Ngunit iba ang naging agenda ni Duterte. Ito ay ang mapakulong at siraan ang kanyang mga kritiko.
Nariyan din ang kampanya laban sa droga na nauwi sa madugong pamamaraan. Wala man lang nahuling big time drug trafficker.
Ayon naman kay University of the Philippines Institute of Islamic Studies Dean Julkipli M. Wadi, walang dahilan o kasalukuyang kondisyon ng bansa “that could merit secession or disintegration of the republic. So, why rock the boat?”
Lahat ng inisyatiba na baguhin ang ating Saligang Batas, mula pamumuno ng yumaong Pangulong Fidel V. Ramos hanggang kay dating pangulo na ngayon ay Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo, ay walang nangyari.
Noong 1973, ginamit ng yumao na dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos, Senior ang kagulihan sa Mindanao upang baguhin ang Saligang Batas. At kasama sa motibo ng pagbago ng Saligang Batas ay ang maging forever ruler.
Ngunit ngayon, ayon kay Wadi, walang makitang gulo kahit saang parte ng bansa. Walang source of instability, walang threat, maayos ang Mindanao.
Sa katunayan ay naging partners of development na ang dating kalaban na Moro Islamic Lieration Front (MILF) at nasa transition period pa ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Itong plano ni Duterte at Alvarez na ihiwalay ang Mindanao sa Republika ng Pilipinas ay isa nga bang paraan upang matakasan ang napipintong desisyon ng International Criminal Court?
Mukhang ang kasabihang “desperate times call for desperate measures” ang bagong slogan ng dating pangulo.
Sa ngayon, safe pa ang Mindanao. Safe pa mula sa mga makasariling tao.