SA ilalim ng Rome Statute of the International Criminal Court, walang itinatakdang panahon at limitasyon kung hanggang kailan maaaring panagutin, usigin, at parusahan ang mga salaring responsable sa paggawa ng crimes against humanity na ipinaparatang kina Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang mangyayari sa sinumang indibidwal, mapa-pulis man o sundalo, na maaaring makalusot sa ngayon sa anumang imbestigasyon at pang-uusig ng ICC.
Halimbawang lumipas ang mahigit 50 taon, kung kailan nakalap ang ebidensya ng kanilang pagkakasangkot sa paggawa ng crimes against humanity, maaari pa rin silang kasuhan, litisin, at hatulan bunga ng kanilang pagkakasala.
Kabilang dito ang kasong murder, torture, at other inhumane acts na nais imbestigahan ng ICC Chief Prosecutor sa ilalim ng Article 7 (Crimes against humanity) ng Rome Statute.
Hindi maaaring burahin ng paglipas ng mahabang panahon ang ganitong krimen.
Walang prescriptive period o itinatakdang limitasyon o hangganan kung hanggang kailan maaaring panagutin, ipagsakdal sa hukuman, at parusahan ang mga salaring responsable sa gayon kaselang krimen.
Kaya lumipas man ang napakaraming taon – sabihin mang umabot ng mahigit 100 ang gulang ni Duterte at kanyang mga kasapakat sa pagkitil umano ng tinatayang 12,000 hanggang 30,000 buhay ng mga sibilyan – maaari pa rin silang panagutin sa naturang mga kagimbal-gimbal na krimen.
Ito’y hangga’t kaya nilang humarap sa isang pampubliko, parehas, at makatarungang paglilitis.
Alinsunod ito sa prinsipyo ng due process of law.
Sa kawikaan ng batas, wala itong statute of limitations.
Gaya ng isinasaad ng Article 29 ng Rome Statute:
“Non-applicability of statute of limitations”
“The crimes within the jurisdiction of the Court shall not be subject to any statute of limitations.”
Nangangahulugan itong hindi lulusawin magpakailanman ng paglipas ng napakahabang panahon ang kanilang pananagutang pangkriminal.
’Ika nga: “Sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan pa rin ang tuloy.”
Di sila sasantuhin ng ICC.
Maging machong presidente man siya, cabinet secretary, senador, o 5-star general ng militar o pulisya.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]