De-kambyong sasakyan bakit humihina ang demand?

MEDYO maiba naman tayo ng topic sa araw na ito at gawin nating light ang kwentuhan ika nga.

Kamakailan lang ay muli na namang lumutang ang #SaveTheManual campaign ng ilang grupo ng mga car enthusiasts worldwide.

Layunin nito na ipromote pa rin ang paggamit ng mga sasakyan na may manual transmission.

Ito ang kanilang tugon sa bumababang demand para sa mga “de kambyo” na sasakyan sa buong mundo.

Sa US pa lamang ay nasa 13-percent lang ang kabuuang nabenta na mga sasakyan na may manual trasmission.

Mataas ang demand para sa mga “automatic” dahil mas madali itong gamitin at karamihan sa mga top variants ay matic na bukod pa sa nagsulputang mga electric vehicles.

Kabilang na rito ang mga sasakyang pangharabas tulad ng mga pick-up trucks.

Dito sa Pilipinas ay marami pa rin ang may gusto sa manual transmission bagama’t wala pa akong hawak na statistics para dito.

Sa aking pagtatanong sa ilang mga gumagamit ng manual vehicle ay kanilang sinabi na pakiramdam nila ay mas kontrolado nila ang sasakyan kung sila ay gumagamit ng kambyo.

May ilan ring nagsabi na mas fuel efficient ito kumpara sa mga “matik”.

Mas marami rin ang nakaka-carnap na mga automatic vehicle kumpara sa may manual transmission ayon sa record ng Highway Patrol Group ng PNP.

Pagdating naman sa mabagal na usad ng trapiko ay mas pabor ang karamihan sa matik dahil less stress nga naman sa driver.

Napansin ko rin na bihira sa mga babaeng drivers ang marunong magmaneho ng manual transmission kaya mataas ang bentahan ng automatic car sa segment na ito.

Kumpara sa ibang bansa ay naniniwala ako na mas magtatagal ang mas maraming gumagamit ng manual transmission sa Pilipinas dahil bukod sa ito ay gamit rin sa public transport at higit na mas mura ang maintenance nito.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]