NGAYONG tuloy na ang ICC investigation sa drug war sa Pilipinas, hindi lang si Digong ang iimbestigahan.
Sa huling update ng Vera Files, for the first time, idinawit si Vice President Sara Duterte base sa reklamong isinampa sa International Criminal Court (ICC).
Ano ang basehan ng pagdamay kay Sara?
Sa reklamo, alam at inaprubahan ni Sara ang patayan nung mayor pa siya ng Davao mula 2010 – 2013 at 2016 – 2022.
Sa report ng Vera Files, pwedeng padalhan ng ICC ng summons si Sara para magpaliwanag.
Kapag hindi siya sumunod, maaari siyang maiisyuhan ng warrant of arrest.
Pag nagkataon, sabay sila ng tatay niya sa paghimas ng rehas na bakal bilang cellmates.
Aalagaan nila ang isa’t isa kaya hindi totally malulungkot ang sinuman sa kanila. Kakabahan lang parati at maaaburido sa naging kapalaran ng kanilang kabangisan sa mga tao.
Alam na rin ng lahat na magiging buddy o kosa rin ni Digong si Bato dela Rosa, kasalukuyang senador at police chief niya sa Davao nung mayor pa siya at binitbit nung naging presidente at ginawang PNP chief.
Ayon sa Vera Files, 90 beses dinawit ang pangalan ni Bato sa 186-page document na isinubmit sa ICC.
Sinasabi rin sa dokumento na nagbuo ng hiwalay na death squad laban sa illegal drug ops sa Davao.
Pasok din banga si Senador Bong Go na 70 ulit lumabas ang pangalan sa dokumento. Executive assistant at personal aide ni Digong si Bong Go noon sa Davao City.
Buo na ang tropa. Reunion party ito sa ICC cells pag nagkataon.
May tagaluto, may bantay at may magmamalasakit kay Digong sa kulungan.
Sa dokumentong ibinigay sa ICC, si Bong Go ang itinurong mensahero ni Digong sa Davao Death Squad na siya namang nagpapatupad ng extrajudicial killings.
Ang malala, yung ibang kill orders hindi naman daw tungkol sa droga.
Sinabi sa mga dokumento na may dalawang patayan na inutos umano ni Go at “cleared and approved by Mayor Rodrigo Roa Duterte.”
Yung isa ay pagpatay umano kay Primo Nilles, driver ng businessman na si Jon Gaisano. Ang asawa niyang si Ana Nilles ay sinasabing isa sa mga suspect sa cash pilferage sa mga establisimyento ng mga Gaisano.
Ang isa namang pagpatay na non-drug war ay related kay Christopher Yu na importer ng second-hand truck nung 2013 o 2014.
Marami pang pangalan ang isinangkot sa pagpatay sa 100 biktima na karamihan ay nangyari sa Davao City nung mayor pa si Digong, base pa rin sa dokumento.
Sa naunang reklamong isinampa nung April 24, 2017 ni self-confessed DDS hitman Edgar Matobato, kasama rin si Bato at 10 iba pa sa crimes committed against humanity.
Sa 77-page noon na complaint na inihain ng tumayo nyang lawyer na si Jude Sabio, binanggit sina former Justice Secretary Vitaliano Aguirre, PNP Supt. Edilberto Leonardo, Supt Royina Garma, ex-House Speaker Pantaleon Alvarez, ex-DILG Sec Ismael Sueńo, SPO4 Sanson Buemaventura, ex-NBI Director Dante Gierran, ex-Solicitor General Jose Calida, ex-Senator Richard Gordon at maski si Sen Alan Cayetano.
Ang reklamo ay nakabase lang sa testimonya ni Matobato, kasamahan sa DDS Arturo Lascańas at Ernesto Avasola, reports ng Amnesty International, Human Rights Watch, report ni Fr. Amado Picardal “The Victims of Davao Death Squad: Consolidated Report 1998-2015 at news reports.
Binawi ni Sabio ang inihain na reklamo nung 2020 dahil hindi raw siya nababayaran ng kanyang kliyente. Pumanaw siya nung 2021 dahil sa cardiac arrest.
Nung August 2018, sama-samang nagsampa ang mismong mga pamilya ng walong biktima at mga aktibista ng kasong murder and crimes against humanity vs Duterte.
Nanawagan sila na isakdal at papanagutin si Duterte sa war on drugs.
Nakikiisa ako sa panawagang hustisya sa mga biktima hindi lang ng war on drugs, kundi sa mga biktima rin ng pamamaslang sa mga mamamahayag, human rights lawyers, activists at workers sa panunungkulan ni Duterte at Marcos Jr.
Harinawa’y makamit nila ang katarungan nang mas mabilis at maparusahan ang mga dapat managot habang nabubuhay pa sila.