ISA ka ba sa mga taong madalas maglagay ng check sign sa ‘I Agree” cookies box at pagkatapos ay hindi na binusisi kung ano iyon?
Sa panahong ito na malawak na ang hagip ng teknolohiyang gumagamit ng cookies (hindi ito nakakain! ) at algorithms, may lubos pa bang privacy right o isa itong patibong para libreng halungkatin ang iyong personal data na maaring magamit upang ilagay sa peligro ang iyong buhay, ari-arian at seguridad?
Sa mga news sites online at video games madalas ang cookie box. Sa katunayan, ginagamit din ito sa halos lahat ng social media sites, partikular ng mga online apps, whether it be finance (banks), advertising, or marketing sites.
Dahil tila standard operating procedure na ito, instant at drastic ang ating responde pag nakakakita tayo nito. Bakit nga naman magdadalawang-isip pa, e naging SOP na.
Halimbawa na lang, marami ang nagogoyo sa mga games at quizzes na isang data mining scheme, ayon sa mga pag-aaral. Sila mismong mga nagoyo ang boluntaryong naglantad o nag-alok sa kanilang mga pribadong detalye dahil hindi naging mabusisi sa bawat sina-sawsawang online sites.
Pero una sa lahat, ano nga ba ang cookies?
A cookie is basically a consent program. Sa bawat click mo rito ay pinapayagan mo ang site o produkto na makita ang iyong pribadong mensahe, pag-uusap, transaksiyon, dokumento at mga larawang nakalathala sa social media.
Nakalagay sa settings nito ay, ”By clicking “allow all” you agree to the storing of cookies on your device to enhance site navigation, analyze usage and assist you in our marketing efforts.”
Yung iba customized ang settings pero pareho lang ang tono at ibig mangyari. Ito ay ang magkaroon ng access sa iyong personal data.
Maganda ang layunin dahil protection ito para sa mga kompanya halimbawa, ng mga bangko at lending companies upang madali nilang mapag-aralan ang background o creditworthiness ng isang borrower at makita agad ang red flags kung ito ay credit risk o kaya ay credit worthy.
Subalit peligro para sa mga pribadong indibidwal at consumers. Peligro sa sagradong privacy na ayon mismo sa saligang batas natin ay “inviolable” o hindi kailanman maaring labagin o pakialaman ninuman.
Proteksiyon ito upang paigtingin ang maraming kaso laban sa hindi awtorisadong paggamit ng datos na kamakailan ay nagbunsod para lumawak ang scam at swindling sa bansa.
Pero paano kung waived ito sa pamamagitan ng cookies? At sanctioned naman ito ng ating Data Privacy Law?
Of course alam natin na ang “cookies” ay nasa kategorya o katulad ng tinatawag na contract of adhesion. Yung papayag ka nalang kahit walang genuine at free choice since on its face, valid naman ito dahil may fair notice, wala nga lamang explicit consent. May nakalagay rin kasi sa terms sa cookie box na allow o disallow.
Pero kung may free choice, bakit nasa peligro pa rin ang ating mga personal na datos? Bakit ang insinuation ay may free choice subalit hindi naman talaga?
Sa katunayan, hindi palaging kailangan ng mga kompanya o organisasyon ang “consent” na gamitin ang personal data ng isang indibidwal. Puwede nila itong gamitin basta may valid na dahilan o yung tinatawag sa batas na “lawful basis”.
Halibawa ay ang telephone or cellphone number, na obviously ay nagagamit kahit walang consent ng may-ari.
Subukang mag click ng isang bank app, or lending app or marketing app out of curiosity. In just a little while, makakatanggap ka ng high volume of unwanted calls at messages ng kung sino-sinong nag-aalok ng kanilang produkto o minsan ay nang go-goodtime lang.
Privacy violation iyan, hindi ba?
Pero gaya ng halos lahat ng batas na laging nakikitaan ng butas, ang Data Privacy Law ay hindi perpekto. Sa karanasan, nakita natin na mas lumaganap ang paglabag dito ng publiko kung kailan naging maigting ang paalala ng naturang batas sa usaping privacy rights.
Tinanong ko ang aking kaibigan na may access sa sensitibong kalakaran sa telekomunikasyon at inamin niyang maraming kuwestionableng gawain na nagiging rason upang makompromiso ang data privacy hindi lang sa bansa kundi maging sa buong mundo.
Aniya, ang ugat pa rin ng lahat ng ito ay pagiging gahaman sa pera. Marami ang gumagamit sa pribadong datos upang ibenta ito at gamitin ng mga sindikato sa maraming larangan, kabilang na sa politika, sa negosyo- partikular sa mga monopolyadong negosyo- at hukbo. “It is a clear case of profiling, of knowing who your enemies are, and using the data mined to maim the opponent,” paliwanag niya.
Hindi kataka-taka na higit pang naging maligalig ang mundo dahil may mga batas na imbes magbigay-proteksyion sa batayang karapatan ng tao ang siya mismong ginagamit upang maging susi ng pang-aabuso.
Kung kaya ang tanong:
Saan napunta ang regulasyon at transparency ng batas? Panahon na bang i-revise ang Data Privacy Law?
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]