SILIP na silip ang diskarte ni Senator Imee Marcos at halatang ginagamit lang ang pakikipagkaibigan kay dating Pangulong Digong Duterte para suportahan ang kanyang kandidatura sa darating na 2025 midterm elections.
Lumalabas na tanging layunin ng ginagawang pagkampi ni Imee kay Digong ay makuha ang suporta ng malawak na grupo (kasapian) ng DDS at masiguro na muling maluluklok sa Senado.
Paeklat pa nga ni Imee… “Kahit ako na lang ang natitira, patuloy kong susuportahan si Digong.”
Sinundan pa ng paikot ni Imee… “Hindi lang dahil kaibigan ko si Digong, kaibigan ko talaga siya, higit lalo si Inday Sara.”
Pero nagkakamali si Imee kung sa tingin niya ay nabobola niya si Digong. Marami na kasi ang nagdududa sa sinseridad at loyalty ng senadora, at sinasabing dumidikit lang sa kampo ni Digong dahil sa hindi siya kasali sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ang matinding giyera kay First Lady Liza Araneta-Marcos ang dahilan kung bakit hindi makaporma at itsapwera sa kasalukuyang pamahalaan si Imee. Kaya malinaw, si Liza ang mortal na kaaway ni Imee at hindi si Bongbong.
Nang pumutok nga ang away ni Digong at ni Bongbong sa isyu ng ‘bangag at adik,’ mapapansing tahimik lang si Imee, hilong-talilong at napaka-ingat sa mga binibitiwang salita at hindi pumapanig kahit na kanino. Sabi nga, playing safe si Imee. Ang gulang!
At tulad ni Digong, kailangang higit na mag-iingat si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa pakikipagkaibigan kay Imee dahil siguradong gagamitin lang din siya nito sa kandidatura ng senadora.
Malalim ang laro ni Imee at tiyak na hindi magpapatalo sa darating na 2025 elections lalo na kung ang suporta ng kampo ni Digong ay kanyang makukuha. Kaya nga, nasa desisyon ni Digong kung papaano niya sisibakin ang mga palundag at paikot ni Imee.