DALAMHATI AT PAG-ASA

Taos-puso tayong nakikiramay sa ating mga kababayang namatayan bunga ng pandemya.

Sanhi ng COVID-19 pandemic, milyon-milyon ang binawian ng buhay sa iba’t ibang panig ng mundo. Kasama na rito ang ating mga mahal sa buhay, magulang, kapatid, kabiyak, anak, lola, lolo, kaibigan, kamag-anak, kasama, kakilala, ka-FB at maging mga kaanak at karelasyon ng ating mga ka-FB.

Pinasidhi ng ating kabatirang yumao sila nang di man lamang natin nakapiling ang ating lungkot at dalamhati. Masakit sa damdamin ang pagkakabatid na nag-iisa silang sumakabilang-buhay. Nang di man lamang tayo nagkita. Nang di man lamang natin nahawakan ang kanilang mga kamay. Nahimas ang noo. O nadampian man lang ng halik ng pamamaalam.

Di natin nakikita, subalit lubhang mabagsik ang COVID-19.

Sa gitna ng ganitong scenario, dumadapyo rin sa ating kamalayan ang lagim na lumalambong sa buong mundo dulot ng pandemya. Patuloy nitong kinikitil ang maraming buhay.

Traumatic ang ating panahon.

Pinatingkad ng krisis na ito ang agwat sa pagitan ng mahirap at mayaman. Ibayong hirap at pasakit ang pinapasan ng ating mga kababayang umaasa lamang sa kinikita upang may maipantawid-gutom sa araw-araw. Dahil sa pagsasara ng mga restoran at iba pang establisimyento, nawalan sila ng pagkakataong kumita at makasalba sa gutom.

Sanhi ng kakitiran ng isip ng gobyerno, naging usad-pagong ang pangangalap ng mga bakuna. Di natin kinakitaan ng pagsusumikap ang pamahalaan na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa iba’t ibang bansa upang agarang kumalap ng mga vaccine na maipamamahagi sa buong kapuluan ng Pilipinas.

Militaristiko ang aksyon ng gobyerno sa krisis. Sa halip sumangguni at humirang ng mga eksperto sa pampublikong kalusugan, mga dating heneral na walang kaalam-alam sa pampublikong kalusugan ang hinirang ng pangulo upang siyang kumontrol sa pandemya.

Aksyong militar ang itinugon ng pamahalaan sa krisis pangkalusugan sa halip bumuo ng mga task force na pinamumunuan ng mga eksperto sa pampublikong kalusugan at serbisyong medikal at sosyal.

Sa halip bumuo ng mga organong kumakatawan at tutugon sa iba’t ibang aspeto ng krisis, pinag-ibayo ng gobyerno ang aksyong militar. Para sa mga pinuno ng militar at pulisya, di rin dahilan ang pandemya upang itigil ang kampanya ng pagpatay ni Pangulong Duterte sa ating mga kababayan. Sinasalamin nito ang di-makatao at kontra-mamamayang katangian ng gobyernong Duterte.

Ibayong hirap ang inihataw ng gobyerno sa bayan. Latigo ang sagot ng mga mayhawak ng renda ng kapangyarian sa naghihingalong bayan.

Magkaganito man, iniluwal din ng pandemya ang kadakilaan ng ating lahi. Nasaksihan natin ang kabayanihan ng ating mga manggagamot, nurses, at iba pang healthcare workers.

Sila, kasama ang iba pang naghahatid ng mga pangunahing serbisyong pambayan, ang tinagurian nating frontliners. Kasama sila sa mga nagbuwis ng buhay sa altar ng paglilingkod sa ating kapwa. Sila ang nagpapatampok ng ating mga kalakasan bilang Pilipino. Sila ang bumubuhay sa ating pag-asa at pananampalataya na bubuti at bubuti rin ang kalagayan ng ating bansa. Balang araw.

Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]