MAHIRAP isipin kung paanong ang isang matagumpay na negosyante gaya ni Francisco Tiu Laurel Jr. ay tatawid mula sa marangya at pribadong buhay patungo sa masalimuot na buhay bilang public servant upang manungkulan bilang Kalihim ng DA.
Mas lalong mahirap isipin kung paano niya uumpisahan ang “paglilinis” sa ahensiyang may nakakabit na imahe bilang “maanomalyang” ahensiya.
Pinakamahalaga ngunit problemadong kagawaran ang Department of Agriculture o DA.
Bitbit ng kagawaran ang hilahil ng sambayanang Pilipino sa usapin ng agrikultura at seguridad sa pagkain .
And by food security, hindi natin pinag-uusapan ang usapin lang ng bigas kundi mga katulad na produktong agricultural gaya ng karne, isda, pataba, ad infinitum. Mula produktong inaangkat at ini-eksport. Para sa personal hanggang national at maging international consumption.
Sa usapin ng pambansang kagutuman, DA ang madalas buntunan ng sisi.
Sa datos, nasa higit 10 milyong pamilyang Pilipino ang aminadong sumasablay sa three meals a day.
Ibig sabihin, nakakakain pa naman sila ngunit hindi sa normal na tatlong beses kada araw. At ang kalidad ng pagkain? Kung ano lang ang pamatid-gutom na mura at karaniwang salat sa nutrisyon.
Kunsabagay, hindi na bago sa nakararaming Pinoy ang usaping kagutuman.
Ang nakalulungkot, mismong mga producers ng pagkain—ang mga magsasaka at mangingisda- ang mayoryang dumaranas ng ganitong phenomenon.
Ironic, isn’t it?
Kaya naman sa isang ahensiyang puno ng mga problema at iregularidad ayon na rin sa maraming ulat, hindi kaya nabibigla ang kauupong Kalihim sa pinasok na bagong tungkulin?
Sa kabila ng inaasahang pagtuligsa sa kanyang background bilang election supporter ng Pangulo na umano ay tumatanaw lamang ng utang na loob kaya siya iniluklok sa puwesto, hindi kinakikitaan ng pagkatinag si Tiu Laurel.
Katunayan, nag-umpisa na ang rigodon sa ahensiya. Unang pinalitan ang dating tagapagsalita ng DA na si Asec Rex Estoperez ni Atty. Alvin John Balagbag.
Ang puwesto naman ng kontrobersyal na assistant Secretary Kristine Evangelista na nasangkot sa anomalya ng sibuyas ay ibinigay sa bagong appointee, Asec. Genevieve Velicaria-Guevarra.
Nagtalaga rin si Tiu Laurel ng ilang agriculture attaches sa Republic of Palau, the Federal States of Micronesia and the Republic of Marshall Islands.
Ayon sa DA, nag-isyu na ang bagong Kalihim ng memorandum sa lahat ng empleyado under contract of service na mag-umpisa ng lisanin ang kanilang mga opisina.
Natural order of things ang ganitong senaryo kapag may bagong kalihim o may inaasahang pagbabago sa istruktura ng kagawaran.
And so far ay pinakamabigat na hamon kay Tiu Laurel sa ngayon ang isyu ng importasyon. Kaya ba ng bagong kalihim na lumihis sa landas na ito na patuloy na nagpapahirap sa local production?
Katunayan, ito ang kahilingan ng maraming grupo ng mga magsasaka, mangingisda, local agribusiness entrepreneurs kay Tiu Laurel sa kanyang paghalili sa puwestong ilang buwan din hinawakan ng mismong Pangulo ng Pinas.
Naniniwala ang maraming grupong ito na sa wakas ay magiging makatotohanan ang mga ipinangakong reporma sa agrikultura ng pangulo kung bababa ang halaga ng mga gastos sa produksiyon, maisasaayos o ilalagay sa rehabilitasyon ang mga palyadong irigasyon at imprastruktura at matiyak ang isang kapaligiran kung saan patas na makakapaghanapbuhay ang mga ,magsasaka at mangingisda kahit sa harap ng dayuhang kompetisyon.
Matatandaang sa pinakaunang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ay hiniling niya sa Kongreso na repasuhin ang Fisheries Code: “ Our Fisheries Code must be revised to incorporate and strengthen science-based analysis and determination of fishing areas. This approach will protect both the interests of our fisherfolk and our fisheries and aquatic resources…”
Sa pagdagsa ng murang imported na mga bilihin lalo na sa panahong ito na malapit na ang Pasko, hamon din sa DA kasama ang Bureau of Customs kung paano masasawata ang smuggling at hoarding partikular ng mga produktong nasa ilalim ng regulasyon ng DA.
Kadalasan sa panahong ito tumataas ang presyo ng mga panimpla o spices gaya ng bawang, sibuyas at asukal. Umabot noon sa puntong mas mataas pa ang kilo ng sibuyas sa kilo ng baboy at manok at maging ang asukal ay pumait sa ating panlasa dahil sa man-made shortage na nagdulot din ng pagtaas ng presyo nito.
Ang pinakamalaking hamon sa kagawaran siyempre ay ang katiwalian. Nakatapyas ang halaga ng isang matino sanang proyekto. Umiiskor ang mga tiwali sa loob ng ahensiya at nakakalungkot dahil ang nananakawan ay ang publiko na benepisyaryo sa output ng naturang mga proyekto
Kaya goodluck na lang po, Kalihihim Tiu Laurel. Sana ang mga bagong mukha na pinagkatiwalaan mo sa puwesto ay hindi lumikha ng panibagong anomalya na magreresulta sa panibagong hirap at kagutuman sa sambayang Pilipino.