COO (Children of Owner) sanhi ng pagbagsak ng isang kumpanya?

SA kabila ng epekto sa ekonomiya ng COVID-19 ay kinakitaan ng konting liwanag ang “future” ng isang malaking kumpanya sa bansa.

Naging mabigat ang taong 2020 at ang simula ng 2021 sa kumpanyang ito na ilang beses na ring niyanig ng mga pagsubok.

Mula sa labor issues hanggang sa hindi mabayarang mga pagkakautang lahat ay kanilang nalampasan sa paglipas ng panahon.

Ito’y sa tulong na rin ng ilang nagmalasakit na mga personalidad sa indistriya na kanilang kinabibilangan.

Bago pa man ang pandemya ay dumanas na ng malaking setback ang kumpanya makaraan itong ipagkatiwala sa bagong management team.

Kasama sa grupong ito ang mga anak ng may-ari ng kumpanya na wala namang “expertise” sa pagpapatakbo ng malaking negosyo.

Sinabi ng aking spotter na ginawang training ground ng mga “C.O.O” o children of owner ang nasabing kumpanya na isa sa mga negosyong pagmamay-ari nila sa bansa.

Bukod sa kawalan ng tamang kaalaman sa business management ay sobrang laki rin daw ang naging mga sweldo ng mga anak ng may-ari bagay na nagpadagdag pa sa problema ng kumpanya.

Nang sila ay humingi ng payo sa gobyerno para isalba ang papabagsak na negosyo isa lang ang kaagad na hiningi ng Cabinet secretary na kanilang sinangguni.

Sibakin sa pwesto ang mga anak ng may-ari at palitan ng mga taong may tamang kaalaman ng pagpapatakbo sa naturang negosyo.

Sumunod naman ang kumpanya at makalipas ang ilang panahon kahit na may pandemya ay nakita ang pag-usad nito bagay na hindi nangyari sa mga nakalipas na panahon sa ilalim ng mga “C.O.O”.

Sa tuwing nakikita ko ang tatak ng kumpanyang ito na sumasabay sa mga ulap sa kalangitan ay lagi kong naaalala ang kwento ng buhay ng may-ari nito na mula sa wala ay umunlad dahil sa kanyang pagsisikap.

Kailangan pa ba ng clue?


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]