Contingencies

SA halos isang buwan na pansamantalang pagliban sa kolum na ito, natutukan ko ang paghahanda sa mga pangyayaring may kinalaman sa hinaharap, inaasahan man o hindi. Personal risk assessment ang tawag dito.

Ang totoo, spontaneous akong tao at hindi talaga palahanda. Nagpa-plano, oo, subalit para sa mga bagay na hindi nakasentro sa pinansiya. Up until now, kung kelan malalaki na ang mga anak at unti-unti nang bumubuo ng sariling mga buhay, I live each day as it is.  

Only this time, nabuhay ang ispiritu ng pagiging girl scout.  

Karaniwan na pinaghahandaan ang bagyo, baha, sunog, recession, at pandemya. Subalit ang paghahanda ay para sa lahat ng pahahon; hindi lang para sa mga dambuhalang krisis at natural na dumadating na mga kalamidad. Nararapat ang paghahanda maging sa mga normal na pangyayari sa ating personal na buhay gaya ng biglaang pagkakasakit.

Ang pagtanda ay kinikilala bilang contingent status sa buhay. Ito yung panahon na mas malimit na ang pagbisita ng sakit, ng kapansanan, ng pamamaalam, ng pangungulila. Ito rin sa kabilang banda ang panahon na naipon na ang mga bunga ng pagtitiyaga at handa ng anihin ang mga naipunla.

Pero paano kung walang naipunla, walang aanihin; walang naisuksok at walang huhugutin?

Chances are, hindi ka mabibigyan ng magandang laban sakaling magkasakit ka. Walang maayos na gamutan dahil magtitiyaga kang pumila sa pampublikong ospital, na may dispalinghadong mga medical equipment at hospital staff na underpaid kaya mas madalas kita ang kanilang pagiging diskontento sa uri ng serbisyong kanilang nilalapat sa pasyente.

Kuwento sa akin ng kakilala kong naospital kamakailan, may malala siyang sakit sanhi ng komplikasyon sa diabetes. Natakot siya, una, na magpa-ospital.

Ang totoo, mas natakot siya sa kanyang hospital bills kesa sa anumang karamdamang maaaring matuklasan ng doktor matapos siyang ipasalang sa iba’t ibang uri ng medical tests gaya ng ultrasound, endoscopy, colonoscopy.

Bagamat tutol ang kanyang asawa na sa bahay na magpagaling, nagkunwari siyang maayos na ang pakiramdam upang pumayag itong makalabas ng ospital. Aniya, imbes kasi na mapabuti ang sitwasyon ay lalong nadismaya at natakot magka-altapresyon kaya bumaling na lamang sa primitibong gamutan at pananampalataya na pagagalingin siya ng Maylikha. Aniya, kada araw ng pamamalagi niya sa ospital, pakiramdam niya ay lalo siyang nababaon sa malalim na kumunoy.

Sa bansang ito, hindi mo maaaring asahan ang tulong ng kongresman, o ang mga ahensiyang gaya ng Philhealth, SSS at DSWD kapag nangailangan ng pagpapagamot. Masyadong limitado ang kaya nilang ihatag. Maraming kuwentong di kanais-nais ang mga taong lumapit sa mga ahensyang ito.

Habang maraming bansa sa daigdig ang tagumpay nang nagpapatupad ng libreng healthcare, dito sa Pilipinas, lubhang kulang pa ang mga polisiyang tuluyang magtatanggal sa “suwero” ng mga mahihirap na pasyente. Malubha kasi ang kalagayan ng ating public health care system. Maging ito ay nangangailangan ng suwero.

Dalawang taon makalipas maisabatas ang Universal Health Care Act (UHC) ng Pilipinas, wala pa ring dahilan upang magdiwang. Sakop ng naturang healthcare ang libreng konsultasyon at laboratory tests. Garantisado umano na magkakaroon ng access sa kalidad na healthcare ang mga mamamayan.

Mas press release, ika nga, ang pahayag na ito kesa statement of fact. Tunghayan ang kalagayan ng maraming nagnanais makatanggap ng benepisyong ito ng UHC at sasabihin nilang kulang na kulang pa at isang malaking abstract ang healthcare system ng bansa.  

Sa libu-libong Pinoy na nabubuhay sa kahirapan o malapit ng sakupin ng kahirapan, ang mga safety net at social protection programs na mi kinalaman partikular sa kalusugan ay napakahalaga. Essential ito para maitawid nila ang buhay.

Sa katunayan, maging ang minimum wage earner (gaya ng aking kaibigan) ay nangangailangan ng tulong sapagkat ang kanyang kita ay sapat lamang madalas para sa pagkain; wala nang naitatabi para sa pabahay, edukasyon at medikal. Sa katunayan, mahirap nang maitawid ang pang-araw araw na gastos dahil sa paglobo ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Kaya naman wala na sa kanilang bokabolaryo ang paghahanda o pag-iipon para sa emergency. Para sa kanila, araw araw ang dagok ng sakuna.

Ang mabuhay mismo ay isang sakuna.

Risk at chance ang mabuhay sa mapaghamong panahon. Wika nga ng Freud, “In fact, everything to do with our life is chance, from our origin out of the meeting of spermatozoa and ovum onwards.”

Kaya gawin nating normal na gawain ang maghanda. Umpisahan nating tukuyin ang mga banta sa pang-araw araw na pangyayari, aralin ang epekto ng bawat banta, at hanapan ng mga paraan para mabawasan o tuluyang maiwaksi ang mga ito.

Magpatuloy tayo sa pangangalampag sa ating mga mambabatas na bumuo ng mga batas na higit na magpapabuti sa kalagayan ng healthcare sa bansa at maayos na implementasyon ng mga batas na ito.

Sa personal na aspeto, kilalanin natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng insurance at health cards. Imbes na unahin ang personal na luho, magtabi para sa mga bagay na ito. Umpisahan din ang pagmimintina ng SWAN (Sleep Well At Night Fund) upang di na mangangamba sa emergencies.

Walang dahilan upang mangamba ang taong laging handa. 


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]