Conflict of interest

NOTORIOUS na usapin ang issue tungkol sa mga kapit-tukong opisyales ng homeowners’ associations o HOAs.

Nangyayari ito madalas sa maraming subdibisyon at condominiums. Yung kakapiranggot na kapangyarihang ipinagkatiwala upang mamuno sa maliit na asosasyon ay madalas naaabuso ng mga lider-opisyal sa ngalan ng personal na interes.

Hanggang saan ba ang discretionary powers ng HOA official? Hindi ba’t dapat ang galaw niya ay nakabatay sa kung ano ang nakasaad sa Articles of Incorporation at By-laws ng asosasyon? Otherwise kasi, the official will be overstepping his bounds.

Kamakalawa ay nakahuntahan ko ang mga dating kapitbahay sa Cortijos De San Rafael, isa sa iilan na executive villages ng Rodriguez, Rizal. Naidaing nila sa akin ang anila ay “nakakasuka” na pamamalakad ng presidente ng homeowners ng naturang subdibisyon.

Inaakusahan nila ito ng conflict of interest, nepotismo, grave abuse of discretion, unethical conduct at suspetsang paggamit ng pondo ng organisasyon para sa sariling ganansiya.

May conflict of interest kapag ang integridad, pagiging patas, at katapatan ng isang opisyal ay nakompromiso dahil taliwas ito sa propesyonal na interes ng buong organisasyon o nagamit sa personal na kapakanan ang kanyang posisyon. Nasa template ng articles of incorporation at by-laws ng bawat homeowners association o HOA ang alintuntuning nagbabawal sa isang opisyal na magkaroon ng conflict of interest sa pamamahala.

Ang nepotismo ay pagbibigay ng pabor sa kamag-anak at mga kaibigan para sa pagnenegosyo o pagbibigay ng posisyon; ang grave abuse of discretion ay pagmamalabis sa nakaatang na tungkulin; ang unethical conduct ay mga gawaing kontra sa kung ano ang nakapaloob sa AI at by-laws na maaring immoral o illegal.

Lilinawin ko, ito ay mga alegasyon na ipinupukol sa presidente ng homeowners ng Cortijos (na atin munang hindi papangalanan hangga’t di natin nakukuha ang kanyang panig) batay sa naipong sirkumstansiya at testimonya ng mga nagrereklamo. Ergo, ito ay punto de bista ng homeowners na nakakadama ng pagka-agrabyado at pagmamalabis.

Ayon sa nagrereklamong homeowners, ang incumbent na pangulo ay dapat na sanang bumaba sa puwesto noong nakaraang taon sa pagtatapos ng isang taon niyang termino upang bigyang-daan ang paghahalal ng bagong mga opisyal. Dahil sa pandemya na isang lehitimong rason ay walang naganap na eleksyon at nagpatuloy siya sa kanyang posisyon bilang hold-over president.

Ikinuwento rin ng homeowners na dahil sa pananatili sa pwesto ay nakakagawa ng magic (ala Pharmally?) ang kanilang pangulo, gaya ng pagtatalaga sa treasurer ng samahan bilang guwardiya, dahilan upang siya, bilang halal na treasurer ay matanggalan ng function sa pagi-ingat yaman. Hindi umano humahawak ng pondo ang treasurer at ang may kontrol ng pondo ng asosasyon ay ang pangulo at itinalaga niyang admin na hindi pinangalanan.

Nakalagay din sa AI at by-laws na ang pondo ng asosasyon ay nararapat na nakalagak sa isang bank account na may tatlong signatories upang matiyak ang check and balance sa pinansiya ng asosasyon. Subalit ayon pa rin sa nagrereklamong homeowners, ang naturang pondo ay nasa kontrol ng pangulo at kanyang admin at ito umano ay ipinapautang ng may kaakibat na interes, at hindi anila isinangguni sa mga opisyales, o nag redound sa benepisyo ng homeowners.

Hindi rin ethical sa tingin ng homeowners na sariling desisyon ng pangulo ang paggamit sa motorsiklo ng kanyang anak bilang roving service ng guwardiya at binabayaran ng dalawang daan kada araw mula sa pondo ng HOA.

Hindi na rin umano sumasangguni sa homeowners sa pamamagitan ng ga notices sa anumang desisyong may kinalaman sa subdibisyon. Maging financial statements ay hindi umano updated at nalalathala sa bulletin board ng gate ng subdibisyon, kagaya ng nakagawian. Ginagamit ding campaign stunt, ayon sa mga nagrereklamo, ang pagsasaayos ng linya ng Manila Water, na sinasabing di maitutuloy kapag hindi na ang incumbent ang muling mahalal na pangulo ng asosasyon.

Ilan yan sa mga alegasyon ng mayoryang homeowners na humihingi ng transparency sa mga kaganapan sa kanilang komunidad.

Bilang pahiwatig ng pagkadismaya, sa ngayon nasa tatlo na lamang ang aktibong opisyales ng nasabing HOA dahil hindi masikmura ng ibang opisyales ang nakikitang kaduda-dudang pamamalakad.

Kung ang mga alegasyong ito ay may katotohanan at nakabatay sa paglabag niya sa AI at by-laws ng HOA, maaari itong idulog sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) kalakip ng isang verified petition na pirmado ng mayorya ng miyembro ng asosayon.

Sa huli, wala dapat puwang ang katiwalian, o alegasyon ng katiwalian at pansariling ganansiya sa usapin ng pondo ng homeowners. Bagamat karamihan sa nasa Cortijos ay kayang magbayad ng P600 monthly dues, karapatan nilang malaman na napupunta sa tamang layunin ang kanilang ibinabayad kada buwan.

Makapangyarihang plataporma ang pagsisiwalat ng kuwestionableng mga transaksyon ng mga incumbent HOA officials dahil ito ang batayan kung sila nga ay naglilingkod ng tapat o ginagawa lamang nilang tuntungan ang posisyon para isakatuparan ang personal na kagalingan. Walang ipinagkaiba sa scenario sa national level.

Kung mananahimik ang homeowners at sasagkaan sa pagsusuri ng mga galawang sa tingin nila ay hindi ethical, pinapayabong lamang ang katiwalian sa pinakaugat nito.

In the spirit of fair play, lahat ng alegasyon ng mga disgruntled homeowners ay ituturing nating hearsay sa ngayon, upang bigyang-daan ang paglilinaw ng under fire na HOA president ng Cortijos.

(Editor: Bukas ang pitak na ito at ang buong Pinoy Publiko sa panig ng inaakusahang opisyal ng homeowners’ association, mag-email sa [email protected])


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]