KAPANSIN-PANSIN na mas dumadalas at mas nagiging agresibo ang harassment at pagpapasikat ng Chinese Coast Guards (CGG) at People’s Liberation Army Navy sa mismong Philippine Coast Guard (PCG) at mga mangingisda sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Latest at pinakamalaking balita ay nito lang February 13, kung saan nag-flex ang China Coast Guard ng military-grade laser na itinutok sa BRP Malapascua para masilawan sila sa area ng Ayungin Shoal (Second Thomas).
Ang Ayungin Shoal ay nakalubog na reef o bahura, 194 kilometers ng Palawan at nasa loob ng ating Exclusive Economic Zone na binabantayan ng BRP Sierra Madre natin.
February 6 ito nangyari batay sa time stamp/ recording sa camera ng PCG na noon ay nakasuporta sa rotation at resupply mission sa Philippine Navy.
Kinondena ng PCG ang laser harassment dahil ayon kay PCG Commandant Admiral Artemio Abu, delikado at maaapektuhan nito ang kalusugan ng marami.
Ang description naman dyan ni Acting Defense Secretary Carlito Galvez Jr., ay “offensive and unsafe.”
Pero buwelta ng China Ministry of Foreign Affairs spokesperson Wang Wenbin, “In accordance with China’s domestic law and international law, including the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), the China Coast Guard ship upheld China’s sovereignty and maritime order and acted in a professional and restrained way. We hope the Philippine side will respect China’s territorial sovereignty and maritime rights…”
Look who’s talking? Spell international law at UNCLOS.
Ini-invoke nyo yan e hindi n’yo naman kinikilala ang 2016 decision ng arbitral tribunal na pabor sa Pilipinas.
Sa hiwalay na insidente noon ding Lunes, mayabang na pumarada sa Pagasa Island ang may 20-25 China Coast Guards at vessels.
Batay naman yan sa hiwalay at ekslusibong video na ipinakita ng National Youth Movement for the West Philippine Sea noong Sabado, February 11 sa kanilang webinar.
Noon namang February 1, dalawang CGG ships at dalawang Chinese maritime militia vessels ang dumidikit sa Philippine Navy ship bandang Panganiban (Mischief) Reef at tinangkang i-intercept ang kanilang pagpapatrol, ayon mismo kay PCG Spokesperson Commodore Armando Balilo.
Obserbasyon ni Retired US Col. Raymond Powell, pinuno ng Project Myoushu Team ng Gordian Knot Center for National Security Innovation of Stanford University, nangyari ang insidente habang nasa Pilipinas si US Defense Sec Lloyd Austin III para sa suporta at commitment ng Amerika sa Pilipinas.
Nagpapansin.
Yung paggamit ng laser ay ginawa rin noong June last year.
Sinilawan naman ng People’s Liberation Army Navy ang BRP Habagat na nasa 10 nautical miles north ng Panatag Island (Lankiam Cay) ng “blue-colored lights na may blinkers” dahilan para panandalian silang makaranas ng pagkabulag at pangangati.
Ganyan ba ang “professional at restrained way” ng pagsita nila sa PCG?
Namimikon talaga ang mga Tsinong ito. Pinaparamdam na kahit nanalo tayo sa arbitration, hindi nila isusuko ang kanilang sinasakop.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, nagsampa na ang Pilipinas ng 461 diplomatic protests laban sa Chinese aggression sa West Philippine Sea mula 2016 hanggang January 26 ngayong taon.
Sa kwento ng mga mangingisda sa area, hindi naman talaga umaalis sa mga islang nasa West Philippine Sea ang Chinese vessels, paikot-ikot lang sila sa paglalayag.
Merong 1.450 billion population ang China at kakapiraso lang ang lugar na meron silang dagat hindi tulad ng Pilipinas na literally napalilibutan ng tubig.
Pagkain, pagpapalakas ng ekonomiya at depensa ang nagtutulak sa China para ligaligin ang mga bansang may land o water borders kahit pa consistent silang mag-violate ng international law at UNCLOS.
Maliban sa Pilipinas na resolbado na ng UN ang laban, merong land and sea disputes ang China sa 14 pang bansa- Taiwan, Indonesia, Vietnam, Japan, South Korea, North Korea, Singapore, Brunei, Nepal, Bhutan, Laos, Mongolia, Myanmar at Tibet.
(Paalala po, iwasan nating sabihin na may territorial dispute ang China at Pilipinas dahil nilutas na ito noong 2016. Pinagmumukha lang dispute ng China parang propaganda campaign nila at tumagos sa kamalayan ng marami na may dispute pa.)
Anyways, hindi biro magpakain at ibigay ang mga pangangailangan ng higit 1.450 billion mamamayan kaya hari ng sablay ang China pagdating sa diplomatic relationship sa mga bansa.
Sinasadya ng China na mang-away gamit ang grey zone tactics para sa strategic needs niya bilang bansa at ng kanyang mamamayan.
Sa librong Asia’s Cauldron ni Robert Kaplan nung 2014, tinatayang may 7 billion barrels ng langis at 900 trillion cubic feet ng natural gas sa West Philippine Sea.
Ayon naman kay Retired Senior Justice Antonio Carpio ang West Philippine Sea ay sagana sa methanol na alternative biofuel na pwedeng gatungan ang ekonomiya ng China ng 130 taon.
Pagdating sa yamang dagat, tinataya rin sa Cauldron na 1/10 ng huling isda ay nasa West Philippine Sea.
Dapat magkasundo ang 17 bansa na may issue sa China na labanan ang aggression nito para palawakin ang kapangyarihan.
Sa Pilipinas, dahil merong kasunduan ang bansa sa US, pinalalawig pa ngayon ang Enhanced Defense Cooperation Agreement at magdadagdag pa ng apat na sites na pwedeng magamit para military bases.
Para sa akin, provocation ito ng US sa China at lalo tayong iniipit sa bakbakan nilang dalawa. Syempre kakabugin din ang China dahil until recently naging pattern ang sunod-sunod na pagbisita ng US officials sa PIlipinas, Japan, Taiwan at South Korea.
Maaaring policy shift ito ng US foreign direction na Asia na sadyang ikababahala ng China at ng mga bansang independent ang foreign policy. Pag nagkataon, magiging sentro ng bardagulan ng China at US ang Asia Pacific Region.
Mga bagay na dapat pagkaisahang bantayan, tutulan at aksyunan ng mga mamamayan ng Asian countries.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]