MAY panibagong isyu na naman ang education sector na naapektuhan ang maraming college freshmen. Ngayon kasing school year 2022-2023, sinuspinde ng Commission on Higher Education (CHEd) ang scholarship program para freshmen.
Ang dahilan: budget inadequacy o kakulangan sa pondo.
Ang education sector ang may pinakamalaking budget ngayong fiscal year na tumanggap ng P788.52 bilyon. Sa report ng Inquirer, 4 percent lang nito o P31.68 bilyon ang parte ng CHEd.
Mas mababa ito ng P18.83 bilyon sa P50.51bilyon na nakuha nito noong 2021.
Nakikinabang CHEd Scholarship Program na ito ang mahihirap, walang sariling tahanan, Persons With Disabilities, senior citizens at indigenous people.
Umaabot ng P120,000 sa private schools at P80,000 sa state colleges at universities ang natatanggap ng bawat full time scholar at kalahati naman kung partial scholar.
Kaya naman nakalulungkot malaman ang balita nitong Lunes, March 20, sa House committee on higher and technical education ang mga sumusunod:
Ibinulgar ni Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza na may P10 bilyon para college scholarships ng CHEd noong 2021ang ginamit sa ibang bagay. Hinala ni Daza, funds misused.
Paliwanag ni Daza, nakatalaga ang pondo para sa Higher Education Development Fund (HEDF) na makatutulong sana sa daan-daan libong estudyante.
Hindi birong pera yan at lalong hindi birong pagkakataon na pwedeng pinakinabangan para maitawid ang kinabukasan ng mga kabataan.
Galing ang pondo sa travel tax, Professional Commission (PRC) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Giit ni Daza, dapat nakipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ipinagpatuloy ang 2012 grant-in-aid (scholarship), natulungan sana ang daan-daan libong first year college students kada taon.
Bitin sa oras kaya hindi nabuo ang usapan sa pinagsususpetsahang CHEd funds misused.
Maraming kailangang ipaliwanag si CHEd Chair Prospero De Vera III tungkol dyan.
Tulad ng maraming ahensya ng gobyerno, ilang beses na rin nasasangkot ang CHEd sa problemadong pamununo sa ahensya at pamamahala ng pondo.
Noong last 2022 national elections, inakusahan ng poll watchdog Kontra-Daya si De Vera na ginagamit ang posisyon para ikampanya sina Sara Duterte at limang iba pa.
Open secret naman na bago pa man pumasok sa gobyerno, si De Vera ay promoter ng malalaking kandidato kasama na si Marcos Jr.
Sa Omnibus Election Code, illegal sa government officials na gamitin ang government-owned media para sa “election campaign or for any partisan political activity”.
Noong 2021, nag-overpay o sumobra ang dinisburse ng CHEd sa tatlong State Colleges and Universities (SCUs) sa pagsusuri ng Commission on Audit (CoA) para sa tuition at iba pang fees.
Umabot ang overpay ng P130.99 milyon dahil ayon sa CoA, kulang sa control mechanisms o sistema para ma-check ang pagpasok at labas ng pera.
Nangyari ito nung 2018 to 2019 (P14.768B) at 2019-2020 (P17.045B) o kabuuang P31.814B disbursements.
Ang nakakatakot dito ay million pesos ang pinag-uusapan tapos dahil kulang sa control mechanisms, naliligaw ang mga pondo na dapat nakalaan sa ibang pagkakagastusan.
Ibig sabihin, may isa o mahigit na upisina ng CHEd ang namroblema sa pondo.
Hindi pwedeng magkulang sa control mechanisms dahil pondo ng bayan yan at national government agency yan circa 2018, 2019 at 2020, digital age.
Ganun ba kaatrasado ang sistema sa ahensya na ito ng gobyerno?
Nung 2018, sinibak ng Office of the President (OP) ang isang commissioner ng CHEd at tatlo pang presidential appointees dahil sa corruption sa appointment ng mga opisyal ng sa Pangasinan State University.
Kaya susi talaga na ang taumbayan ay maging mapangmatyag at mapanuri sa galawan ng gobyerno.
Pinapasahod sila mula sa buwis ng mamamayan.
Ang transparency at accountability sa pamahalaan ay nagtitiyak na tunay na naglilingkod sa mga Pilipino ang gobyerno.
Bagaman merong executive order para rito, may mga ahensya pa rin ang sumasablay, depende sa mga opisyal na ina-appoint para manungkulan.
Ang lalakas talaga ng loob, walang takot. Gagawa ng palpak o mangungurakot hanggang hindi natitimbog ano.
Kung political appointees yan, mas problemada dahil pinoste sila batay sa political patronage o bayad utang dahil nakatulong sa kampanya.kaya asahan na maniningil sa kaban ng bayan yan.
Haay Pilipinas, nakakapagod ka mahalin at ipaglaban pero di ka namin susukuan alang-alang sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.